‘Pinas, maging alerto sa mga ginagawa ng China para ‘di mabulaga
ni Ryan Sison @Boses | December 10, 2023
Ayaw pa ring tumigil ng China sa kanilang ginagawang pambu-bully sa ating bansa.
Kahapon, ginamitan uli ng water cannon ng mga barko ng Chinese Coast Guard (CCG) at maritime militia, ang mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na patungo sa Scarborough Shoal.
Ang mga BFAR vessel ay nasa misyon na magdadala ng langis at iba pang suplay sa mga mangingisdang Pilipino malapit sa Panatag (Bajo de Masinloc, Scarborough) Shoal sa Zambales. Subalit, nakuhang bombahin ng water cannon ng mga barko ng CCG ang mga barko ng BFAR, na nagsimula bandang alas-9 ng umaga na umabot ng alas-12 ng tanghali at nagpatuloy pa.
Ang Philippine Coast Guard (PCG) at BFAR, kung saan ang kanilang mga barko ay ino-operate ng mga coast guard personnel, ay nagtutungo sa Panatag Shoal area bilang bahagi ng kanilang routine patrols. Kabilang din sa kanilang pagpapatrol ang pagdi-distribute naman ng gasolina o langis sa mga mangingisdang Pilipino roon.
Ayon sa PCG, kulang ang kanilang mga barko para sa regular na pagpapatrol sa buong West Philippine Sea (WPS), na bahagi ng South China Sea sa loob ng exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas, subalit anila, patuloy pa rin silang nagsasagawa ng regular patrol sa lugar.
Matatandaan na noong unang bahagi ng taon, ang Panatag Shoal ang naging lugar ng tensyon matapos maglagay ang China ng floating barrier para hindi makalabas ang mga kababayang mangingisda. Kalaunan, pinutol ng PCG ang harang sa isang operasyon, na nakabatay din sa international law at sa soberanya ng Pilipinas sa shoal.
Ang isinagawang resupply mission sa Panatag Shoal ay halos kasabay ng isang hiwalay na civilian Christmas convoy sa Pag-Asa Island.
Hindi talaga tinatantanan ng China ang ‘Pinas at pilit na tinatarget ang teritoryo natin.
Kung iisipin, nakakagigil na ang mga ito dahil sa paulit-ulit na lamang ang kanilang ginagawang pambu-bully habang nagpapatunay na wala talaga silang kinikilalang batas.
Gayunman, kailangan pa rin natin ang maging mahinahon sa kabila na may mga bansang nagpahayag na ng kanilang suporta para bantayan at ipaglaban ang ating teritoryo.
Marahil, gusto lamang talagang galitin tayo nang husto ng naturang bansa upang tayo na mismo ang magsimula ng laban na nais nilang mangyari. ‘Ika nga pino-provoke lang tayo at kapag bumigay na sa kanilang bitag, tiyak na simula na ito ng ating laban.
Batid din natin na wala tayong kakayahan sa anumang giyera dahil wala tayong armas na pandigma. Siguro dapat ay huwag tayong magpakampante, maging alerto at kailangan nating paghandaan lagi ang posible pang matinding gagawin ng mga ito para hindi rin tayo mabulaga.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments