'Pinas, kapos na sa asukal at sibuyas, kinakapos na rin sa supply ng kuryente
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | May 18, 2023
MGA HOARDER NG ASUKAL AT SIBUYAS, KASUHAN AT IKULONG!—Aprubado na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (P-BBM) ang pag-aangkat ng asukal at sibuyas sa ibang bansa dahil kinakapos na raw sa suplay ang Pilipinas.
Sa totoo lang, kaya kinakapos ang suplay ng asukal at sibuyas ay dahil sa raket ng mga mapagsamantalang traders na itinatago ang tone-toneladang asukal at sibuyas para kapusin sa suplay ang bansa at para maibenta sa mas mataas na presyo ang mga naturang produkto.
Hangga’t hindi ginagamitan ng kamay na bakal ng Marcos administration para makasuhan at ipakulong ang mga mapagsamantalang negosyante na nagho-hoard ng mga asukal at sibuyas, asahan nang patuloy na magtataas ang presyo ng mga produktong ito sa merkado, period!
◘◘◘
MGA PROBLEMA NG PINOY, PALALA NANG PALALA—Palala nang palala ang mga problemang nararanasan ngayon ng mga Pinoy.
Hindi lang kakapusan sa suplay ng asukal at sibuyas ang problema ngayon ng mga Pinoy kundi maging ang supply ng kuryente dahil sa nangyayaring rotational brownouts sa ilang lalawigan sa Luzon, saklap!
◘◘◘
KAKATAPOS LANG IDEKLARA NG WHO NA TAPOS NA ANG PANDEMIC, PERO SA ‘PINAS, ANG DAMI PA RING NAGKAKA-COVID—Matapos ideklara ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang pagbabalik ng mandatory na pagsusuot ng face mask sa lahat ng pampublikong lugar sa lungsod, ipinag-utos na rin ni Mayor Honey Lacuna ang mandatory na paggamit ng face mask sa loob ng Manila City Hall sa kadahilanang dumarami na naman ang tinamaan ng COVID-19 sa kanilang nasasakupan.
Hay naku, ‘anyare sa ‘Pinas? Kakatapos lang ianunsyo ng World Health Organization (WHO) na hindi na global health emergency o tapos na ang COVID-19 pandemic, pero sa ‘Pinas, ang dami pa ring tinatamaan ng COVID, tsk!
◘◘◘
SANGKATERBANG PASUGALAN AT KUBRADOR, SANHI KAYA NG PAGDAMI NG NAGKAKA-COVID SA BAGUIO CITY AT MAYNILA?—Hindi kaya may kinalaman ang sangkaterbang illegal gambling at mga kubrador sa Baguio City at Maynila, kaya marami pa rin ang nagkaka-COVID sa dalawang lungsod na ito?
Dikit-dikit kasi ang mga mananaya sa mga pasugalang color games at drop balls nina ‘Edna,’ ‘Jimmy,’ at ‘Nestor’ sa Magsaysay Road at Kayang Hill Top, at sa mini-casino ni ‘Patrick’ sa Legarda Road at Bokawkan Road, habang sa Maynila naman, sangkaterbang kubrador nina ‘Boy Abang’ at ‘Lorna’ ang nagbabahay-bahay para magpataya ng bookies at lotteng.
Malinaw na lumalabag sa social distancing ang mga pasugalang ‘yan, at kung hindi ipapatigil nina Mayor Magalong at Mayora Lacuna ang mga ganitong uri ng raket sa kanilang nasasakupan, hindi kataka-taka na magkahawaan at marami pa rin ang nagkaka-COVID sa kanilang lugar, period!





Comments