top of page

‘Pinas, imbes babangon, babaon pala sa utang, buwisit!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 3, 2023
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | November 3, 2023


HINDI NA DAPAT IBINIDA NG MARCOS ADMIN NA BUMABA ANG UTANG NG ‘PINAS, DAHIL NEXT YEAR MAS LALAKI KASI MANGUNGUTANG NA NAMAN NG P2.46-T -- Hindi dapat ibinida ng Marcos administration na napababa na nila ang utang ng Pilipinas, na mula sa dating P14.35 trillion, ay P14.27 trillion na lang daw ito ngayon kasi nakapagbayad daw ang ‘Pinas ng P81 billion bilang hulog sa mga pinagkakautangan.


Kaya natin nasabing hindi ito dapat ibinida ng Marcos admin, kasi matapos ngang makapagbayad bilang hulog sa mga pinagkakautangan, next year ay mangungutang na naman ng P2.46 trillion ang Philippine gov’t. para mapunan ang higit P5.7 trillion national budget next year, boom!


◘◘◘


SHOCKING SA LAKI ANG MAGIGING UTANG NG ‘PINAS NEXT YEAR, PAPALO NA ITO SA P16.73 TRILLION -- Dapat kung magpapabida ang Marcos admin na bumababa na ang utang ng Pilipinas, ay huwag na silang mangutang, bayad nang bayad na lang sana ng utang.


Eh, ang masaklap, mangungutang na naman, kaya kung kukuwentahin o pagsasamahin ang kasalukuyang utang ng Pilipinas na P14.27 trillion at ang uutanging P2.46 trillion ay shocking ito, kasi papalo na sa P16.73 trillion ang magiging utang ng ‘Pinas next year, na ibig sabihin ay tuluyan nang mababaon sa utang ang Philippines sa year 2024, tsk!


◘◘◘


MGA POGO, HUWAG NANG BIGYAN NG PERMIT TO OPERATE -- Ayon kay Usec. Gilbert Cruz ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ay legal naman daw ang mga permit to operate ng sinalakay nilang pasugalang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pasay City. Ang bad nga lang daw ay ilegal ang ginagawa nitong operasyon tulad ng gawin itong sex den at may operasyon na ng pang-i-scam sa mga Pinoy.


Isa lang naman ang solusyon d’yan para matigil na sa kanilang mga bad na gawain sa ‘Pinas, at ito ay huwag nang bigyan ng national at local governments ng permit to operate ang mga POGO sa bansa, period!


◘◘◘


IMBES RICE SUBSIDY, DAPAT TODONG SUPORTA SA MAGSASAKA ANG GAWIN NI P-BBM PARA BUMABA ANG PRESYO NG BIGAS -- May rice subsidy na ipaiiral ang Cebu provincial government para makapagbenta sila ng P20 per kilo ng bigas sa mga mahihirap, at ayon kay Gov. Gwen Garcia ay ginawa raw nila ito bilang suporta sa campaign promise ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na kapag siya ang naging presidente ay magiging P20 per kilo ng bigas sa bansa.


Sa ngayon ay P45 ang pinakamababang presyo ng per kilo ng bigas, na ibig sabihin sa ilalim ng rice subsidy ay bibili ng ganitong (P45 per kilo) presyo ang Cebu provincial gov’t., at pagkaraan ay ibebenta ito nang palugi sa halagang P20 per kilo.


Sa totoo lang, hindi rice subsidy ang tugon sa mataas na presyo ng bigas dahil lugi d’yan ang local gov’t. at maging ang national gov’t., na ang nais nating ipunto ay bigyan ng todong suporta ng Marcos admin ang mga magsasaka para maraming palay ang maging ani at kapag nangyari ‘yan, ay tiyak bababa ang presyo ng bigas sa merkado, period!



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page