‘Pinas, dapat umaksyon sa pambu-bully ng China
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 15, 2023
Umiral na naman ang pambu-bully ng China sa Pilipinas na may kaugnayan sa West Philippine Sea.
Kamakailan, nagawang tutukan ng military-grade laser light ng barko ng China Coast Guard ang barko ng Philippine Coast Guard na BRP Malapascua sa Ayungin Shoal sa WPS, na nang panahong ‘yun ay mayroong rotation at tumutulong sa resupply mission ng Philippine Navy.
Dahil sa insidente, batay kay PCG spokesperson Commodore Armand Balilo, nagdulot ito ng pansamantalang pagkabulag ng kanilang mga tauhan na nasa bridge ng barko.
Hindi rin nakuntento, matapos manutok ng laser beam, nagsagawa pa umano ng delikadong maneuvering ang barko ng China na 150 yards ang layo mula sa BRP Malapascua.
Gayunman, naging matagumpay pa rin ang kanilang resupply mission habang tiniyak ng PCG na mananatili ang kanilang presensya sa teritoryong sakop ng bansa na WPS, pati na ang seguridad ng mga Pilipinong mangingisda na pumapalaot doon.
Tinawag naman ng Armed Forces of the Philippines ang ginawang ito ng China na “offensive” at “unsafe.”
Hindi ito ang unang insidente na nais pigilan umano ng barko ng CCG ang barko ng PCG na makalapit sa Ayungin Shoal para magbigay seguridad sa Philippine Navy sa ginagawa nilang resupply mission dahil naganap na ito noong Agosto, subalit ito ang unang pagkakataon na tinutukan ng China ng laser beam ang PCG.
May lumabas na ring report ng pangha-harass umano ng China sa mga mangingisdang Pinoy at iba pang insidente hinggil sa pinag-aagawang teritoryo.
Sinasabing nakakasakit na ang ginagawa ng China at maaaring hindi na ligtas ang ating mga kababayan sa lugar, subalit tila naghihintay pa ang lahat sa magiging hakbang ng gobyerno tungkol dito.
Nagdudulot na rin ito ng takot sa mga mamamayan dahil kung iisipin walang pag-aatubiling nagawa ito ng mga Tsino sa mga Pinoy, posibleng planuhin na rin ng mga ito ang mas malala pa rito.
Marahil, napapanahon na para masusing pag-aralan ang gagawing depensa at aksyon ng gobyerno. At kung kinakailangan na maghain ng protesta ay dapat nang kumilos at gawin ito agad.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments