'Pinas, dapat nang maghanda sa 'The Big One'
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 16, 2023
Pinakamabisang sandata sa anumang banta ng sakuna ay paghahanda.
Ito ang target ngayon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na suriin ang mga structural stability ng nasa 5,900 gusali sa National Capital Region (NCR) bilang paghahanda sa sinasabing “The Big One” o napakalakas na lindol sa bansa.
Ipinahayag ni DPWH Undersecretary Maximo Carvajal, sa ginanap na pagdinig sa Senate Committee on Public Works, kabilang sa kanilang iinspeksyunin ang 4,000 school buildings, 351 health facilities, 1,180 iba pang pampublikong gusali at 402 gusali ng mga local government unit (LGU).
Aniya, mula taong 2018 hanggang 2021, bilyong pisong pondo na ang inilaan ng gobyerno para matapos na i-assess at makumpleto ang retrofitting ng halos 100 gusali sa bansa.
Binanggit naman ni Carvajal na nagmula ang pondo sa local funds habang ng mga panahong ‘yun ay nagpautang ang World Bank ng USD309 million sa ilalim ng Philippines Seismic Risk Reduction and Resilience Project.
Sa ngayon, patuloy ang pagtatayo ng alternative DPWH building sa Pampanga na magiging command center sakali mang magkaroon ng malakas na lindol at gumuho ang mga gusali sa Metro Manila.
Paliwanag naman ni Architect Felino Palafox, Jr. karamihan sa mga itinayong gusali bago pa noong 1992 ay hindi sumailalim sa kinakailangang seismic analysis.
Iginiit din ni Palafox na napakadelikado sa building code ng bansa na pinapayagan ang pagtatayo ng matataas na gusali na isang metro lang ang pagitan. Kaya aniya, dapat pag-aralan itong mabuti.
Samantala, sa report ng DPWH, may mga earthquake-resistant na evacuation centers na silang nagawa. Umabot ito sa kabuuang 15,918 evacuation centers, kung saan sa Luzon naitayo ang 8,098 sites, sa Visayas ay 3,000 centers at sa Mindanao naman ay nasa 4,820.
Napakagandang hakbang ito ng gobyerno dahil mabuti ito upang hindi tayo matulad sa nangyari sa Turkey na napakaraming gusali ang gumuho at libu-libong buhay din ang nawala.
At dahil sa lindol, naiulat pang marami ang inarestong building contractors sa nasabing bansa dahil sa umano mahinang pagkakagawa ng kanilang mga gusali.
Pinakamainam na gawin talaga ang palaging handa sa anuman ang kahihinatnan ng mga mangyayari sa mga susunod na panahon.
Kapag handa ka, dumating man ang sakuna, hindi ka na mabibigla.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments