‘Pinas, babawi sa 2021!

@Editorial | December 31, 2020
Marami ang naniniwala na makakabalik ang sigla ng pagnenegosyo sa 2021.
Ang mga empleyado na natambay ay muling makakakuha ng trabaho. Unti-unti ring babangon ang mga negosyanteng nalugi dulot ng pandemya.
Bagama’t, marami pa ring kailangang gawin at pag-isipan para tuluyang makabalik sa sirkulasyon.
Gayunman, sadyang hindi maiwasan na may mga sektor na talagang grabe ang pinagdaanan at hindi ganu’n kadali ang pagbawi. Tulad ng sa turismo, kasabay ng ipinatutupad na community quarantine, limitado pa rin ang kanilang operasyon.
Banta rin ang bagong variant ng COVID-19, kung saan mas mabilis umano ang pagkalat ng nasabing virus. Ilang bansa na ang nagpositibo rito kaya nagpatupad na tayo ng travel ban at tiyak na apektado na naman ang ekonomiya ng bansa.
Pero, ayon nga sa mga survey, nananatiling positibo ang pananaw ng marami sa darating na taon.
Kung nalampasan natin ang 2020 na binagyo ng mga problema, ano pa ba ang hindi natin kakayanin? Kaya magtiwala lang, samahan ng gawa at puspusang panalangin.



Comments