top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Pinakamalamig na temperatura naitala sa Metro Mla.

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 15, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 15, 2024


Ramdam na ramdam natin sa ngayon ang lamig na tila ang simoy ng hangin ay December pa rin.


Ayon sa monitoring ng PAGASA, nitong Linggo ng umaga ay nakapagtala sa Metro Manila ng pinakamalamig na temperatura para sa kapapasok na taon, gayundin sa panahon ng Amihan.


Alas-6:30 ng umaga kahapon ay bumaba ang mercury sa 20.2°C sa Science Garden, Quezon City.


Nakaranas din ang ilang lugar sa Northern at Central Luzon ng isang malamig na Linggo.


Nagising na lang ang mga residente ng Baguio City na may temperaturang 12.8°C, gayundin ang kalapit na La Trinidad ay nagtala ng 14.4°C, habang ang Basco, Batanes ay nakapagrehistro ng 15.8°C.


Nagtala naman ang Tanay, Rizal ng 18.4°C, ang Laoag City na may 19.2°C, at ang Abucay, Bataan ay 19.8°C.


Noong January 11, 1914 ay nai-record ang itinuturing na all-time coldest temperature o pinakamalamig na temperatura sa buong Metro Manila na nasa 14.5°C sa Port Area, Manila. 


Gayunman, ang Baguio City, ang nagtataglay pa rin ng national all-time coldest na 6.3°C na naitala noong January 18, 1961.


Batay pa sa PAGASA, ang kasalukuyang Amihan cold surge na nakakaapekto sa Luzon at karamihan sa Visayas ay inaasahang magpapatuloy hanggang sa kalagitnaan ng susunod na linggo.


Masarap sa pakiramdam ang malamig na temperatura na nararanasan natin sa ngayon.


Hindi tulad ng mainit na panahon na gusto nating palaging maligo dahil sa pawis-pawisan ang buong katawan, habang halos magbabad din tayo sa mga mall at opisina para magpalamig.


Gayunpaman, dapat sigurong maghanda rin tayo ng anumang panlaban sa lamig. 


Kadalasan kasi ay may mga sakit na sumusulpot tuwing taglamig gaya ng ubo, sipon at kung minsan ay humahantong pa sa pagkakaroon natin ng lagnat.


Paalala lang sa ating mga kababayan, magsuot ng jacket kung nilalamig, uminom ng mga vitamins, mag-exercise para tayo ay pagpawisan, kumain ng masusustansya at huwag magpupuyat. Ilan lang ‘yan na maaaring makatulong para mapangalagaan ang ating sarili.


Lagi sana nating iisipin na hindi tayo dapat magpakampante, kailangang ingatan at protektahan ang ating kalusugan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page