top of page
Search

Pilipinas nanaig kontra Australia sa AVC Cup

BULGAR

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 24, 2024


Photo
File photo: AVC Cup - PNVF

Ipinagpag ng Alas Pilipinas ang mabagal na simula upang gulatin ang Australia sa apat na set sa engrandeng simula ng kampanya sa 2024 AVC Women’s Challenge Cup For Women Huwebes ng gabi sa punong Rizal Memorial Coliseum.  Bitbit ang inspirasyon ng libo-libong mga tagahanga, inukit ng Alas ang 22-25, 25-19, 25-16 at 25-21 tagumpay at magpadala ng mensahe sa mga susunod na katunggali.

       

Sinayang ng mga Pinay ang 21-18 lamang sa unang set at tuluyang isinuko ito sa mga bisita.  Ibang Alas ang lumabas para sa pangalawang set at mula sa 14-14 tabla ay humataw sila pagpasok ni reserba Vanie Gandler at lalong bumangis ang mga atake nina Eya Laure at Sisi Rondina. 

       

Dala ang positibong enerhiya, patuloy ang pag-init ng tambalang Laure at Rondina ngayon ay dumagdag si Angel Canino para kunin ang pangatlong set.  Mahusay na mga service ni kapitana Jia Morado-de Guzman ang sumigurado sa resulta. 

      

Umarangkada ang Alas ng 4-0 upang buksan ang pang-apat na set at tila nawalan ng gana ang mga Volleyroos.  Handa nang itakda ang resulta pero tinabas ng Australia ang 23-18 bentahe ng Alas ngunit walang duda na ang gabi ay tunay na pagmamay-ari ng Pilipinas at ipinako ni Fifi Sharma ang mga nagpapanalong puntos. 

     

Sisikapin ngayon ng Alas na kunin ang pangalawang panalo kontra sa wala pa ring talo India ngayong Biyernes sa parehong palaruan simula 7:00 ng gabi.  Nagwagi ang mga matangkad Indian sa Iran at Chinese-Taipei upang hawakan ang maagang liderato sa Grupo A.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page