Pikunan sa NBA: Stewart, duguan sa siko ni Lebron
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 23, 2021

Humabol ang bisitang Los Angeles Lakers sa fourth quarter upang mailusot ang 121-116 panalo sa Detroit Pistons sa NBA kahapon mula sa Little Caesars Arena. Nabahiran ang panalo sa pagpapalabas kay LeBron James at Isaiah Stewart matapos na dumugo ang ilong at mukha ng huli dahil sa pagtama ng siko ni James at nahantong sa away.
Nagsimula ang gulo sa balyahan nina James at Stewart kasabay ng free throw ni Piston Jerami Grant na may 9:18 sa third quarter at lamang ang Detroit, 78-66. Naawat ang dalawa at agad ipinalabas subalit duguan ang kilay at bibig ni Stewart.
Biglang nagbago ang timpla ng laro pabor sa Lakers at unti-unting silang lumapit hanggang tuluyang maagaw ang lamang sa dunk ni Anthony Davis, 113-111, at 2:17 ang nalalabi. Hindi pa tapos si Davis at ipinasok ang anim ng walong huling puntos ng Lakers upang masigurado ang kanilang pang-siyam na panalo sa 18 laro.
Nagtapos si Davis na may 12 ng kanyang 30 puntos sa 4th quarter at 10 rebound habang nabitin ng isang rebound para sa triple double si Russell Westbrook na nagdagdag ng 26 puntos at 10 assist. Nakagawa ng 10 puntos si James bago palabasin sa pangalawang beses buhat noong Nobyembre 28, 2017 dahil nakipagtalo sa reperi bilang manlalaro ng Cleveland Cavaliers laban sa bisitang Miami Heat.
Sa ibang laro, numero uno pa rin ang Golden State Warriors matapos ilampaso ang bisitang Toronto Raptors, 119-104, kasabay ng pagbalik ni Stephen Curry. Gumawa ng 12 puntos lang si Curry subalit tinakpan ito ng 33 puntos ni Jordan Poole at 32 puntos ni Andrew Wiggins.
Pumantay ang Chicago Bulls para sa liderato ng Eastern Conference sa bisa ng 109-103 pagwagi sa New York Knicks sa likod ng 31 puntos ni DeMar DeRozan. Parehong 12-5 ang Bulls at nagpapahingang Brooklyn Nets.





Comments