top of page
Search
  • BULGAR

Phl Team sa Thai Super League, malakas ang laro sa 1st day

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 3, 2022



Nagpasikat ng husto ang mga kinatawan ng Pilipinas Uratex Dream at Discovery Perlas sa unang araw ng 3x3 Thai Super League 2022 sa Ayuthaya, Thailand noong Miyerkoles. Winalis ng Dream ang kanilang tatlong laro sa Grupo A habang pumangalawa ang Perlas sa Grupo B.

Sinimulan ng Uratex, ang dalawang beses na kampeon ng Women’s National Basketball League (WNBL) 3x3, ang magandang araw ng mga Pinay sa 21-7 paglampaso sa Jumpshot ng Singapore. Sinundan ito ng mga madaling panalo sa numero unong NK Bangkok Club ng Thailand, 21-16, at sa noon ay kapwa walang talo na Luang Prabang ng Laos, 21-14.

Matalas agad ang Discovery sa kanilang pagtumba sa numero uno sa Grupo B Sriracha Eagle ng Thailand, 22-17. Bumalik sa korte ang Perlas at yumuko, 17-21, sa gitgitang laban sa isa pang koponang Thai Shoot It Dragons subalit bumawi sa huling laban sa Malaysia Rising Stars, 21-14.

Numero uno ang Uratex sa Grupo A at haharapin ang Malaysia sa knockout quarterfinals. Walang panalo ang mga Malaysian sa Grupo B at mabigat na paborito ang mga Pinay.

Sa Grupo B, lumikha ng tabla sa 2-1 panalo-talo subalit nanaig ang Shoot It (62 puntos) sa tiebreaker at pangalawa ang Discovery (60) habang pangatlo ang Sriracha (59) ayon sa rami ng naitalang puntos. Matatapat ang Perlas sa NK Bangkok sa quarterfinals at kung papalarin ay maaari nilang labanan sa semifinals ang Uratex upang makasigurado na may koponang Pinay na lalaro para sa kampeonato.

Ang iba pang quarterfinals ay Shoot It kontra Jumpshot at Luang Prabang laban sa Sriracha. Ang mga magtatagumpay sa dalawang nabanggit na laro ang maghaharap sa semis.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page