top of page

PH Women's Football lalaro sa AFC U-17

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 11, 2024
  • 2 min read

ni Anthony Servinio @Sports | March 11, 2024



ree


Nabunot ang Philippine Women’s Football National Team sa Grupo A ng 2024 AFC Under-17 Women’s Asian Cup Indonesia sa opisyal na seremonya noong Huwebes sa tanggapan ng Asian Football Confederation sa Kuala Lumpur.  Gaganapin ang torneo mula Mayo 6 hanggang 19 sa Bali. 


Makakasama ng Filipinas sa grupo ang host Indonesia, Hilagang Korea at Timog Korea.  Binubuo ang kabilang Grupo B ng defending champion Japan, Tsina, Australia at Thailand. 


Maglalaro ang mga koponan ng single round o tig-tatlong beses.  Ang dalawang may pinakamataas na kartada ay tutuloy sa knockout crossover semifinals na susundan ng finals at laro para sa ikatlong puwesto. 


Ang unang tatlong bansa ang kakatawan sa Asya sa 2024 FIFA Under-17 Women’s World Cup sa Dominican Republic mula Oktubre 16 hanggang Nobyembre 3.  Ang Hilagang Korea ay nagkampeon sa World Cup noong 2008 at 2016 habang wagi ang Timog Korea noong 2010. 


Bilang paghahanda sumabak ang mga Batang Filipinas sa 2024 Mima Cup sa Espanya nitong Pebrero laban sa mga bigatin Inglatera at Sweden.  Asahan na magtatakda ng iba pang mga FIFA Friendly sa nalalabing buwan bago ang torneo. 


Samantala, naging matagumpay ang unang linggo ng bagong talagang Men’s National Team head coach Tom Saintfiet at nagdaos siya ng kampo sa Rizal Memorial Stadium na dinaluhan ng mahigit 35 manlalaro mula Philippines Football League at UAAP.  Ito ang unang hakbang sa paghahanda para sa 2026 FIFA World Cup at 2027 AFC Asian Cup Qualifiers kontra Iraq sa Marso 21 sa Basra at 26 sa Rizal Memorial. 

       

Inulat ni Coach Saintfiet na maaaring kumuha siya ng lima o higit pa sa mga kandidato para harapin ang mga Iraqi kasama ang mga beterano na naglalaro sa mga liga sa ibayong-dagat.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page