Petrolyo, nagtaas ng higit piso, magro-rollback ng sentimo, ungguyan pa more!
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | June 25, 2023
KARO-ROLLBACK LANG, MAY OIL PRICE INCREASE NA NAMAN, GANYAN INUUNGGOY NG GOBYERNO ANG MAMAMAYAN -- Noong June 13, 2023 ay nagtaas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Ang itinaas ng diesel ay P1.50 per liter habang ang dagdag sa gasolina ay P1.30 per liter at dahil sa laki ng itinaas ng presyo ay binatikos ng mga motorista ang Marcos administration. Para mapakalma ang mga nagsisipagreklamo, noong June 19, 2023, ay nagkaroon ng rollback sa presyo ng langis na ang ibinawas sa diesel ay 0.10 sentimo per liter, at ang tapyas sa gasolina ay 0.35 sentimo per liter. Next week ay inunsyo ng pamahalaan na magkakaroon na naman ng oil price increase, ang idadagdag sa diesel ay P1 per liter, at sa gasolina ay 0.50 sentimo.
Kaya’t kung kukuwentahin ‘yan ay kitang-kita na talung-talo ang mamamayan sa oil price hike at lugi sa rollback.
Ganyan kung ungguy-ungguyin ng gobyerno ang mamamayan sa isyu ng oil price hike at rollback, period!
◘◘◘
KUNG ANONG PAGDUDUDA NI SEN. IMEE, GAYUNDIN ANG PAGDUDUDA NG MGA MAMAMAYAN NA BAKA MAKURAKOT ANG P500-B MAHARLIKA INVESTMENT FUND -- Sabi ni presidential sister, Sen. Imee Marcos ay duda raw siya sa sinabi ng kapatid niyang si Pres. Bongbong Marcos na agad-agad pipirmahan ang Maharlika Investment Fund kapag dumating na raw ang panukalang batas na ito sa Malacañang.
Hindi binigyang-linaw ni Sen. Imee ang kahulugan ng sinabi niyang “duda siya”, pero kung babalikan ang mga naunang statement ng senadora patungkol sa isyung ito, ay lagi niyang sinasabi na baka makurakot ang P500 billion kaban ng bayan at pera ng mamamayan na ilalagak sa Maharlika Investment Fund.
'Ika nga, kung ano ang pagdududa ni Sen. Imee ay gayundin ang pagdududa ng majority Pinoys, na baka makurakot lang ang P500-B Maharlika Investment Fund, boom!
◘◘◘
IBASURA SA 2025 ELECTIONS ANG MGA RE-ELECTIONIST SENATORS NA BUMOTO PABOR SA MAHARLIKA INVESMENT FUND, PATI KANILANG KAPAMILYA NA KAKANDIDATO – ‘Yung mga senador na bumoto pabor sa P500-B Maharlika Investment Fund, tiyak ilan sa kanila na tapos na ang termino ay kakandidato uli, at bukod d'yan ay may mga kapamilya rin silang kakandidato sa 2025 midterm elections.
Kaya ‘yung mga re-electionist senators, pati ang kanilang mga kapamilya na kakandidato, dapat resbakan ng mamamayan, ibasura silang lahat sa 2025 elections, period!
◘◘◘
DAPAT IPATIGIL NI P-BBM ANG TOLL FEE HIKE SA NLEX -- Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, kahit daw nagtaas na ng toll fee ang North Luzon Expressway (NLEX), ay palpak pa rin daw ang serbisyo nito sa mga motorista.
At dahil palpak, dapat magpakita naman ng malasakit si P-BBM sa mga motoristang dumaraan sa NLEX, at ito ay sa pamamagitan ng pag-utos sa Toll Regulatory Board (TRB) na ipatigil ang ginawang dagdag sa toll fee ng NLEX, boom!





Comments