top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Persona non grata sa mga turistang nameke ng swab test sa Boracay

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 7, 2021
2 min read

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | February 7, 2021



Alam nating marami sa atin ang sabik nang makalabas at makagala dahil na rin sa iba’t ibang paghihigpit dulot ng quarantine sa ating bansa.


Ngunit ang panawagan natin, gawing ligtas at malusog ang gawaing ito, hindi lamang para sa ating sarili kundi pati na rin sa ating kapwa.


☻☻☻


Ito ay matapos na ilang turista ang nadiskubreng peke ang ipinakitang RT-PCR test results sa mga awtoridad. Isa ang negative swab test result sa mga requirement upang makapasok sa Boracay at iba pang tourist spots.


Mas nakababahala pa dahil ang ilan sa turistang ito ay napag-alamang positibo sa COVID-19 pagkatapos ng testing.


☻☻☻


Sa pamemeke ng mga dokumento, inilalagay natin sa panganib at kawalan ng katiyakan ang ating mga kasama at kapwa pasahero sa eroplano, bangka, hotel at iba pa.


At imbes na sa tunay na nangangailangan mabuhos ang atensiyon ng national at local governments ay makadaragdag pa ito sa kailangan nilang aksyunan, lalo na sa testing at contact tracing.


Ayon sa DOT, maaaring kasuhan at pagmultahin ng mga LGU ang mga namemeke ng mga dokumento.


Idedeklara ring persona non grata at hindi na papayagang makapasok sa Boracay ang mga turistang mapapatunayang peke ang mga dokumento, ayon sa Malay LGU.


☻☻☻


Bilang chairperson ng Senate committee on tourism, suportado natin ang muling pagpapanumbalik ng sigla ng industriya ng turismo sa ating bansa. Ito ay matapos na umabot sa tinatayang P400 bilyon ang nawalang kita ng industriya noong 2020.


Marami rin sa mga kababayan nating nawalan ng trabaho sa industriyang ito ang umaasang mabilis na makababalik ito sa pre-pandemic levels.


Ngunit posibleng mawala ang kumpiyansa ng ating mga kababayan sa mga travel bubble kung magpapatuloy ang pamemeke ng travel documents.


Kung kaya’t ang mariing panawagan natin, isipin din sana ang kapakanan at kalusugan ng ating kapwa, at hindi lamang ang ating sarili.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang pahalaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page