Perpektong Santa Rosa kontra Eruption sa NBL
- BULGAR
- Jan 12, 2024
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 12, 2024

Photo: PFF/ IG
Mga laro ngayong Biyernes – Jesus Is Lord Colleges Foundation
5 p.m. Binan vs. Makati
7 p.m. Santa Rosa vs. Zambales
Itataya ng Eridanus Santa Rosa ang kanilang perpektong 2-0 kartada laban sa Boss ACE Zambales Eruption sa tampok na laro ngayong Biyernes sa 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup sa Jesus Is Lord Colleges Foundation sa Bocaue, Bulacan simula 7 p.m.
Sisikapin din ng Circus Music Festival Makati at Tatak GEL Binan na buhayin ang kanilang kampanya sa pambungad na laban ng 5 p.m.
Galing ang Eridanus sa impresibong 109-101 panalo sa Makati subalit haharapin nila ang Eruption na wala ang kanilang numero unong scorer Alex Junsay na pinatawan ng isang larong suspensiyon matapos sikuhin si Rommel Saliente. Dahil dito, malaking hamon para sa mga kakamping sina John Lester Maurillo at Kiervin Revadavia na takpan ang nalikhang puwang at itala ang pangatlong panalo.
Nagtala ng 44 puntos si Allen Fomera upang itulak ang Zambales sa 113-112 pagtakas sa Binan. Tiyak na magiging markado si Fomera, ang numero uno sa puntusan ng buong NBL, subalit dapat ding bantayan sina Lyndon del Rosario at Arnel Bico.
Samantala, mahalaga na wakasan na ng Makati ang kanilang apat na sunod na talo upang may pag-asa sa playoffs. Nakasalalay ang kanilang kapalaran kay PJ Intia, Jexter Tolentino at Noah Lugo.
Sa panig ng Binan, kailangang kalimutan na nila ang masaklap na talo sa Zambales. Nagtala rin ng 44 puntos si Ameer Nikko Aguilar noong laro na iyon subalit kailangan niya ang tulong nina Michael Joseph Homo, Art Patrick Aquino, Angelo Alanguilan at Jazzele Oliver Cardeno.
Wala pang 24 oras ay magpapalitan ng kalaro ang mga koponan at babalik sa parehong palaruan sa Sabado.








Comments