top of page

Perfect U.P. sino ang gigiba? Eagles, pumapagaspas na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 13, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 13, 2023



ree

Mga laro sa Sabado – MOA

9 a.m. ADMU vs. FEU (W)

11 a.m. UP vs. UST (W)

2 p.m. ADMU vs. FEU (M)

4 p.m. UP vs. UST (M)


Perpekto pa rin ang University of the Philippines at apat na ang kanilang panalo sa pagtatapos ng pang-apat na araw ng kompetisyon sa 86th UAAP Women’s Basketball Tournament noong Miyerkules sa Adamson University Gym. Binigo ng Lady Maroons ang Far Eastern University, 64-61 at maghahanda na sa mga nalalabing malaking hamon sa Round 1 ng torneo.

Nagbagsak ng 15 puntos ang baguhang si Lourna Ozar at lalo niyang pinatunayan kung bakit kabilang siya sa Gilas Pilipinas Women. Ang tatlong nalalabing laro ng UP ay kontra UST, De La Salle U at Ateneo na lahat ay naging bahagi ng Final 4 noong 85th UAAP.

Tumikim sa wakas ng tagumpay ang DLSU at dinaig ang Adamson, 63-55 sa paghaharap ng dalawang koponan na parehong walang panalo. Nanguna sa Lady Archers si Lee Sario sa 20 puntos.

Wagi rin ang defending champion National University sa UST, 76-64, sa likod ng 13 puntos ng beteranang si Karl Anne Pingol. Winakasan ng Ateneo Blue Eagles ang araw sa 72-62 tagumpay sa UE sa halimaw na 23 puntos ni sentro Kaycee dela Rosa.

Sa huling laro ng Men’s Division noong Miyerkules ng gabi sa MOA Arena, rumatrat ng 23 magkasunod na puntos ang DLSU patungo sa 71-58 pagparusa sa Adamson. Bumida sa kritikal na third quarter si Kevin Quiambao sa 17 puntos.

Samantala, inihayag ni UAAP Commissioner Xavier Nunag na suspendido ang tatlong hindi pinangalanang reperi ng tatlong linggo bunga ng mababang markang nakuha sa pagsusuri ng kanilang ipinakita buhat noong nag-umpisa ang mga laro noong Setyembre 30.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page