ni Gerard Arce @Sports | April 11, 2024
Mga laro bukas (Sabado)
(Ninoy Aquino Stadium)
10 a.m. – Adamson vs UP (Men)
12 noon – FEU vs UST (Men)
2 p.m. – Adamson vs UP (Women)
4 p.m. – FEU vs UST (Women)
Hindi naging malaking problema para sa UST Golden Tigresses ang pagkawala sa laro ni ace scorer at super-rookie Angge Poyos at starting middle blocker Margaret Banagua ng pagbidahan nina Jonna Perdido at Regina Jurado ang atake ng koponan upang lampasan ang pagsubok na hatid ng UP Lady Maroons sa bisa ng 25-14, 25-13, 28-30, 25-15, kahapon sa unang laro ng 86th UAAP women’s volleyball tournament sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Parehong nagtala ng tig-24 puntos sina Perdido at Jurado mula sa 22 atake at tig-isang ace at block at 21 kills at 3 blocks, ayon sa pagkakasunod, habang nag-ambag din si Xyza Gula ng 12 puntos mula lahat sa atake, kasama ang 9 na receptions at 7 digs, gayundin sina Mae Coronado sa 9 puntos at Bianca Plaza sa 5 puntos.
“Nag-step lang po at trinabaho yung responsibilidad sa loob ng court, naging motivation namin ay para kina Angge at Em kaya namin nakuha 'yung panalo,” pahayag ni Perdido na nagbigay din ng walong excellent digs at apat na excellent receptions, habang pinaghugutan din ng koponan ang nakuhang pagkatalo sa NU Lady Bulldogs ngayong 2nd round upang makapag-adjust ng mga kinakailangang diskarte sa laro.
“Eversince 'yung lost kinailangan na magising at iyong lapses na kailangan pagtuunan ng pansin, kahit paano napanindigan namin 'yung sinasabi naming babawi kami,” wika ni Jurado na nag-ambag din ng limang excellent digs.
Comments