Pera ng taumbayan isusugal na nga sa maharlika, mga senador nagpalakpakan pa, tindi n'yo!
- BULGAR
- Jun 23, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | June 23, 2023
ASAL NG MGA SENADOR, KARIMARIMARIM, ISUSUGAL NA NGA NG MARCOS ADMIN ANG SSS, GSIS, PHILHEALTH AT PAG-IBIG FUNDS, NAGPALAKPAKAN PA -- Matapos pirmahan ni Senate President Migs Zubiri ang P500 billion Maharlika Investment Fund bill upang maipadala na ito sa Malacañang, ay nagpalakpakan ang majority senators na pumabor sa panukalang ito.
Karimarimarim din naman ang asal nitong mga senador kasi mantakin n’yo, kasama sa isusugal ng gobyerno sa investment fund na ito ang pension funds ng mga SSS at GSIS members, health care funds ng PhilHealth members at housing funds ng Pag-IBIG members, tapos nagawa pang magpalakpakan, mga pwe!
◘◘◘
ATAT NA ATAT SI P-BBM NA MAPASAILALIM NA SA KONTROL NG MARCOS ADMIN ANG P500-B MAHARLIKA INVESTMENT FUND -- Sabi ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na kapag daw dumating na sa Malacañang ang P500 billion Maharlika Investment Fund bill, ay agad daw niya itong pipirmahan upang maging ganap na batas.
Talagang atat na atat ang Marcos administration na mapasailalim na sa kanilang kontrol ang P500 billion MIF, buset!
◘◘◘
TILA HINDI LANG BIGAS, ASUKAL, ASIN, GULAY AT ISDA ANG II-IMPORT, KUNDI PATI TUBIG -- Sa mga nakalipas na araw ay madalas sabihin ni P-BBM na posibleng dumating daw ang panahon na kapusin sa supply ng tubig ang Pilipinas.
Dahil ang nakaraang Duterte administration at kasalukuyang Marcos administration ay mahilig mag-import, tulad nang pag-i-import ng bigas, asukal, asin, gulay, isda, eh, tila pinagpaplanuhan na rin ng gobyerno na pati tubig, i-import na rin, boom!
◘◘◘
KAHIT SINONG MAITALAGANG CUSTOMS COMMISSIONER, WALANG AKSYON SA 'UKAY-UKAY' SMUGGLING NI 'MR. TEVES' -- Napaka-untouchable sa Customs ang "ukay-ukay" smuggling ni "Mr. Teves."
Kahit sino kasi ang maitalagang Customs commissioner ay walang ginagawang aksyon para dakpin si "Mr. Teves" at walang aksyon din para kumpiskahin ang kanyang mga kargamentong "ukay-ukay," kahit pa labag sa batas ang magpasok sa ‘Pinas ng mga used clothes mula sa ibang bansa, period!





Comments