Pensyonado sa GSIS at SSS, kawawa kapag na-scam ang maharlika wealth fund
- BULGAR
- Dec 4, 2022
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 4, 2022
SI SEN. IMEE MISMO ANG NAGSABI, MAKUKURAKOT LANG ANG MAHARLIKA WEALTH INVESTMENT FUND—Kinontra ni Sen. Imee Marcos ang panukalang Maharlika Sovereign Wealth Investment Fund ng kapatid niyang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na isinusulong ngayon sa Kongreso ng pinsan niyang si Speaker Martin Romualdez at pamangkin na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.
Aniya, pagmumulan lang ito ng korupsyon, tulad sa nangyari sa Malaysia kung saan kinurakot ni former Malaysia Prime Minister Najib Razal ang Malaysia Development Sovereign Wealth Investment Fund, kaya siya ikinulong sa kasong graft and corruption.
Mainam talaga na huwag ‘yan ituloy nina P-BBM, Speaker Martin at Cong. Sandro, lalo na’t si Sen. Imee mismo ang nagsabi na posibleng makukurakot lang ito.
◘◘◘
KAWAWA ANG GSIS AT SSS PENSIONERS KAPAG NA-SCAM ANG MAHARLIKA WEALTH FUND—Kabilang sa mga pondong ilalagak sa Maharlika Sovereign Wealth Investment Fund ay magmumula sa retirement at pension funds ng mga miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) na P125 billion at Social Security System (SSS) na P50 billion.
Hirit pa nga ni Sen. Imee, “Nakakatakot ipusta ‘yung retirement fund, pension fund…”
May puntong mabahala si Sen. Imee dahil kapag ang Maharlika Sovereign Wealth Investment Fund ay na-scam, GSIS at SSS pensioners ang kawawa.
◘◘◘
LAGOT SI DIGONG KAPAG NAPATUNAYANG NA-SCAM ANG INUTANG SA WORLD BANK AT ASIAN DEVELOPMENT BANK—Ibinulgar ni COA Chairman Gamaliel Cordoba, na hiniling sa kanila ng World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB) na i-audit ang bilyun-bilyong dolyar na inutang sa kanila ng Duterte administration para malaman kung totoo na ang lahat ng inutang sa kanila ay napunta sa pagbili ng COVID-19 vaccines.
Kaya sakaling mapatunayang hindi lahat ng inutang ay ipinambili ng bakuna at mapatunayang napunta ang malaking bahagi ng inutang sa bulsa ng mga “buwaya” sa pamahalaan o scam lang ito ay lagot si Digong.





Comments