Pekeng peso bills, kumakalat – PNP
- BULGAR
- Nov 20, 2022
- 1 min read
ni Lolet Abania | November 20, 2022

Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na manatiling mapagbantay at maging maingat laban sa paglaganap ng pekeng peso bills, lalo na’t papalapit na ang Kapaskuhan.
Sa isang radio interview ngayong Linggo, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na ang crimes against property katulad ng theft at robbery, gayundin ang fraud at deceit, ay mga kasong kadalasang tumataas kapag holiday season.
“Nagpapaalala ang PNP na mag-ingat po tayo sa ating mga transaksyon kapag tayo ay namimili sa mga palengke, sa mga malls, lalong-lalo na ng ganitong pagkakataon na marami tayong mga balikbayan na uuwi at may bitbit na mga remittance,” pahayag ni Fajardo.
“Ang paalala natin sa ating kababayan ay magpapalit sila ng pinaghirapan nilang mga pera sa mga authorized money changer,” giit ng opisyal.
Una na ring nag-abiso ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko na gumamit ng “Feel-Look-Tilt” method para ma-check ang security features ng mga New Generation Currency (NGC) banknotes.
Samantala, dahil sa papalapit na rin ang Pasko, hiniling ni Fajardo sa mga mamamayan na bumili na ng mga regalo at supplies sa ngayon upang maiwasan ang holiday shopping rush. Payo din niya na bumili lamang sa mga lehitimong sellers, at sa mga online shops.
“’Wag na tayong sumabay doon sa Christmas rush na sinasabi. Kung kayang mamili nang mas maaga, ‘wag humalo doon sa napakamarami. Kapag ganyan na maraming tao, diyan madalas nagkakaro’n ng switching ng pera,” sabi pa ni Fajardo.
Comments