Pekeng P150 na may mukha ni Jose Rizal, kalat na
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 4, 2023
Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko hinggil sa kumakalat sa social media na bagong disenyo ng banknote na may denominasyon na P150.
Ayon sa central bank, fictitious o peke ang mga ito dahil wala silang iniisyung P150 banknote na mayroong mukha ni Dr. Jose Rizal na nagsi-circulate na ngayon sa online.
Hinimok din ng kagawaran ang mga mamamayan na suriing mabuti ang legitimacy ng mga impormasyon na nakukuha mula sa socmed at iba pang channels patungkol sa mga banknotes at coins ng bansa.
Para maberipika ito, payo ng central bank, bisitahin lang ang Notes and Coins section ng BSP sa kanilang official website sa www.bsp.gov.ph.
Batay pa sa BSP, may lima lamang na banknotes ang nasa sirkulasyon. Ang mga ito ay P50, P100, P200, P500 at P1,000. Noong Abril 2022, ang polymer version ng P1,000 ay nag-circulate na rin.
Matatandaan na naglabas ang BSP kamakailan ng limited edition ng 150-Piso commemorative coins bilang pagkilala sa ika-150 na taon ng pagiging bayani ng tatlong paring martir na sina Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora o tanyag sa tawag na Gomburza.
Ipinahayag pa ng kagawaran na sa ilalim ng Republic Act No. 10951, ang mga napatunayan at nahatulang namemeke ay papatawan ng maximum P2 million multa at pagkakakulong na aabot sa 20 taon.
Patuloy din ang BSP na nakikipag-ugnayan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at sa Senado upang mag-impose ng mas mabigat na na itatakdang mga penalties at sanctions laban sa currency counterfeiting.
Eksperto talaga ang ilang Pinoy pagdating sa panggagaya. Bigyan mo lang ng kokopyahin, agad nitong nakukuha.
Subalit, sa talentong mayroon tayo, mas mainam na gamitin natin ito sa mabuti na makakatulong sa bansa at higit na mapapakinabangan ng ating mga kababayan.
Sa bigat ng parusa sa mahuhuling indibidwal na gumagawa ng pamemeke, sa ganitong paraan, maging aral sana ito sa inyo.
Sa kinauukulan, umaasa ang mamamayan na patuloy ang katapatan n’yo na gampanan ang inyong tungkulin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments