top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Pekeng memo, dapat aksyunan ng Malacañang

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 21, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 21, 2023


Pinasok na naman ng pekeng impormasyon ang Malacañang na may kaugnayan sa donasyon ng Pilipinas sa Turkey at Syria na lubhang apektado ng malakas na lindol.


Mariing ipinahayag ng Malacañang na peke at walang katotohanan ang kumalat na memorandum, kung saan sinasabing kakaltasan ng dalawang araw na sahod ang mga government employees at kasama pa rito ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para magkaroon ng pondo sa relief operations ng pamahalaan na ibibigay bilang donasyon sa naturang mga bansa.


Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, hindi ito totoo at pinaiimbestigahan na nila kung saan at sino ang pinagmulan ng fake memo, habang nakipag-ugnayan na rin ang Office of the Executive Secretary sa mga awtoridad para agad na maresolba ang isyu.


Sinabi rin ni Garafil na sisiguraduhin nilang mananagot ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng pekeng memorandum.


Napag-alaman na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang pekeng memo.


Tila nauulit ang mga lumalabas na maling impormasyon sa Malacañang.


Kamakailan lamang, naiulat ang tungkol sa sinasabing “Cabinet appointees”, pero ang totoo, walang itinatalaga ang Pangulo, heto at mayroon na namang pekeng memorandum ng kaltas-sahod sa mga empleyado ng gobyerno para sa mga biktima ng lindol. Nakagugulat ito dahil sa mismong Malacañang pa nanggagaling, kaya tiyak na paniniwalaan ng publiko.


Marahil, mayroon talaga na nasa loob ng Palasyo na nagpapakalat ng ganitong uri ng impormasyon na nais lituhin at guluhin ang isipan ng taumbayan.


Sa kinauukulan, dapat na sigurong aksyunan ito upang hindi na dumami pa ang anay na sisira rin sa inyo.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page