PCU sakalam, itinodo ang lakas vs. AMA sa NAASCU
- BULGAR
- Nov 21, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | November 21, 2023

Laro ngayong Martes – Enderun, Taguig
2 pm MLQU vs. PCU
Ipinagpag ng Philippine Christian University ang pagod mula sa kanilang isang linggong palaro sa Thailand at binuhos ang lakas sa AMA University, 73-67, sa pagpapatuloy ng 21st National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Men’s Basketball Lunes sa Enderun Colleges sa Taguig City.
Umangat ang Dolphins sa 4-3 habang tinapos ng Kings ang kanilang torneo sa 4-5 at maghihintay kung mapapabilang sila sa quarterfinals sa susunod na linggo.
Tuluyang humataw papalayo ang Dolphins hanggang naabot ang kanilang pinakamalaking lamang bago magsara ang third quarter, 57-44. May huling hirit ang AMA at tinapyas sa dalawa na lang ang agwat, 67-69, subalit nanaig ang depensa ng Dolphins at hindi na pumuntos ang Kings sa nalalabing 1:43 sabay sinelyuhan ang tagumpay ng mga free throw nina Dave Bagatnan at Jhonloyd Balvarin.
Nanguna sa atake ng PCU si Andrei Joaquin Carino na may 15 puntos. Sumunod si Balvarin na may 14. Susubukang lumapit sa quarterfinals ang PCU sa laro nila ngayong Martes laban sa walang panalong Manuel L. Quezon University Stallions sa parehong palaruan. Ang isa pa nilang laro kontra New Era University ay gaganapin sa Sabado sa titiyakin pang lugar.
Umuwi ang PCU mula sa Thailand bitbit ang tropeo ng First Runner-Up matapos itigil ang laban para sa kampeonato kontra Bangkok University. Biglang nagkaroon ng away ang mga manlalaro bunga na rin ng garapal na tawagan ng mga reperi na pumabor sa mga Thai.
Tinapos ng Dolphins ang elimination na may kartadang 2-1 simula sa 80-72 pagwagi sa Chulalongkorn University. Natalo sila sa Bangkok, 84-89, at bumawi laban sa Thamassat University, 130-42, upang itakda ang muling paghaharap para sa kampeonato.








Comments