top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

PCG at US Coast Guard, Joint Patrol sa WPS

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 22, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 22, 2023


Magiging malakas ang pagbabantay sa West Philippine Sea (WPS) kung magkatuwang itong gagawin ng Philippine Coast Guard at ng US Coast Guard.


Ito ang tugon ni Coast Guard Spokesperson for WPS Commodore Jay Tarriela na ngayon ay pinag-uusapan na ang posibilidad ng pagsasagawa ng joint patrol ng mga barko ng PCG at US Coast Guard sa WPS, kung saan aniya, bahagi ito ng freedom of navigation efforts ng Amerika.


Tiwala rin si Tarriela na ang planong joint patrols ay aani ng kooperasyon at suporta mula sa iba pang mga bansa sa Asya habang magbibigay ito ng benepisyo at pakinabang sa mga barko na maglalayag din sa bahagi ng WPS.


Binanggit pa ng opisyal na isasama rin nila ang laser technology sa kanilang mga patakaran sa paggamit ng puwersa, matapos ang naganap na panunutok ng military-grade laser ng Chinese Coast Guard (CCG) sa barko ng PCG sa Ayungin Shoal, kamakailan.


Subalit, paliwanag ni Tarriela ang pagsama ng lasers sa kanilang binubuong rules ay kinakailangan pang aprubahan ng National Task Force WPS (NTF-WPS).


Matatandaan na dahil sa ginawa ng Chinese Coast Guard sa PCG, kalaunan ay nagdulot ito ng destabilisasyon sa kapayapaan at seguridad sa WPS, habang naghain ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng diplomatic protest kaugnay sa insidente.


Plano na rin ngayon ng PCG na gawing makabago at dagdagan pa ang kanilang assets dahil sa mayroon lamang ang kagawaran ng tatlong offshore patrol vessels, kaya aniya, may ilang mga bahagi sa WPS na bigo silang magpatrolya.


Aminado tayong mga Pinoy na mahirap na banggain ang malaking bansa na katulad ng China. Kumpleto at advance ang kanilang mga kagamitan sa pakikipaglaban kung ikukumpara sa atin na maliit na bansa at may kakulangan pa nga sa teknolohiya.


May pagkakataon pa noon na ang naagawan na rin tayo ng teritoryo at hindi natin ito nagawang maipaglaban.


Subalit, kung mayroon tayong matatawag na “big brother” na gaya ng Amerika na may lakas at handa ring tumulong na bantayan ang ating mga teritoryo, magdadalawang-isip ang iba na subukin itong agawin.


Patuloy din sana na maging mas matatag ang kinauukulan sa pagtatanggol at pagbabantay sa mga teritoryo ng bansa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page