P-BBM kinalampag ng mga OFWs sa mga sablay sa airline companies
ni Jenny Rose Albason @News | July 11, 2023

Naglabas ng manifesto ang United Filipino Group (UFG) na pinamumunuan ni Gemma Sotto na pinamagatang “DAMDAMING OFW" sa kanilang Facebook page.
Sa naturang Facebook page, rito inihahayag ng mga OFW ang kanilang mga hinaing tungkol sa serbisyo ng mga airline companies.
Nagpahayag din ng suporta ang UFG sa panukalang batas ni OFW party-list Representative Marissa “Del Mar” Magsino na kalampagin ang pamahalaan na aksyunan ang mga reklamo ng OFW's sa mga airline companies.
Sa isang panayam, tiniyak ni Sotto na nakahanda ang lahat ng OFW communities na tumulong sa anumang paraan upang maisakatuparan ang layunin ng House Resolution 1105 na isinumite ni Cong. Magsino.
Dagdag stress lang umano sa mga OFW ang palpak na serbisyo ng mga airline companies kung kaya't mas maganda kung agaran itong masosolusyunan.
Umapela rin ang UFG sa Kongreso at Senado na gawing prayoridad ang HR 1105, at magpasa ng batas na lulutas sa delays at cancellations ng flights sa mga airline companies, local man o international flights.
Nanawagan din si Sotto kay Pangulong Ferdinand "Bong Bong" Marcos Jr. para sa agarang pagpapatupad ng mga kinakailangang programa, polisiya at proyekto na lulutas sa mga hinaing ng mga OFW sa mga flight delays and cancellations.





Comments