Pawikan runners magpapabilisan ng takbo ngayong water run
- BULGAR
- Jul 14, 2024
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 14, 2024

Kahit may guhit ng pagong sa damit ay tiyak bibilisan ng lahat ng mga kalahok sa paglarga ng Water Run, ang ikalawang yugto ng seryeng Takbo Para Sa Kalikasan 2024 sa CCP Complex ngayong Linggo simula 3:00 ng madaling araw. Hatid ito ng Green Media Events na dala ang positibong enerhiya mula sa matagumpay na unang yugto ng Fire Run noong Mayo 5.
Asahan ang matinding palitan ng hakbang sa kahabaan ng Roxas Boulevard kung saan daraan ang mga kalahok sa 18, 10 at limang kilometro. Ang espesyal na isang kilometro para sa mga bata ay sa loob ng CCP.
Dahil ito ay Water Run, aapaw ang inuming tubig sa mga himpilan subalit hinihimok muli ang lahat na magdala ng sariling lalagyan upang mabawasan ang kalat. May mga kawani ng Bureau of Fire Protection na handang bugahan ang mga tumatakbo.
Para sa mga nagtapos ng Fire Run, pagkakataon ito para makamit ang pangalawang sa apat na piraso para maidugtong at mabuo ang naglalakihang medalya sa katapusan ng serye. Marami ring naghihintay na mga premyo sa raffle pagkatapos ng karera.
Bahagi ng malilikom na pondo ay mapupunta sa mga proyekto ng Pawicare sa San Narciso, Zambales na ang layunin ay alagaan at paramihin ang mga pawikan. Ngayon pa lang ay napipintong isa muling tagumpay ang Water Run dahil maagang nagsara ang pagpapalista noong Hulyo 1 sa dami ng gustong tumakbo.
Ang BULGAR ay opisyal na media partner ng Water Run at ng buong TKPSK serye. May mga inihandang mga regalo para sa mga ka-BULGAR kaya hanapin lang ang makulit pero sobrang cute na si Bulgarito mascot.
Susundan ang Water Run ng Air Run Half-Marathon sa Setyembre 22. Ang ika-apat at huling karera ay ang Earth Run na 25 kilometro sa Nobyembre 17.








Comments