Pautang mula sa SBCorp, makakatulong sa sektor ng turismo
- BULGAR
- Mar 19, 2022
- 2 min read
ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | March 19, 2022
Tuluy-tuloy ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa. At sana nga, huwag na itong magbago para tuluyan naman tayong makabangon.
Marami sa mga negosyo ang talagang hinagupit ng pandemya, marami ang nawalan ng trabaho at napakaraming sektor ang nalumpo at ngayon ay nagsisikap na makabawi sa abot ng kanilang kakayahan. At kabilang sa mga ito ang turismo at ang maliliit na negosyo o ang micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Sa Senado, nagsilbi po tayong sponsor ng Bayanihan 2 o ang Bayanihan to Recover As One Act kung saan kabilang sa mga inaprubahang pondo ang may P10B ipapasok sa Small Business Corporation o SBCorp. Ang naturang halaga ay para mapautang ang tourism sector at ang MSMEs na kapwa dumanas ng pinakamatinding hirap sa pandemya.
Nang mag-expire ang B2, kasama ring nagpaso ang mga pondong nakapaloob dito, pero hindi ang nasa SBCorp, dahil naging bahagi na ito ng pondo ng korporasyon na pingangasiwaan ng Department of Trade and Industry (DTI).
Halagang P4B sa nasabing halaga ang maaaring ipautang ng SBCorp sa sektor ng turismo, pero nagpahayag ang korporasyon na mula nang mailagak sa kanila ang naturang alokasyon ay P278 milyon pa lamang ang naipapautang nila sa sektor.
Gayunman, sinabi nila na nasa proseso na ang may P524 milyon pang loan applications.
Nangangahulugan na malaking pondo pa ang hindi nagagamit ng korporasyon para sa pagpapautang. Ang pondo para naman sa pagpapautang sa MSMEs, ayon sa SBCorp ay naipalabas nang lahat.
Nagdadalawang-isip kasi ang tourism sector na mangutang dahil sa pangambang posibleng hindi pa rin sila kumita, dahil nga sa paiba-ibang klasipikasyon ng quarantine status nitong nakaraang dalawang taon.
Pero ngayong unti-unti na tayong umaalagwa at binuksan na rin ng gobyerno ang turismo para sa mga lokal at dayuhang turista, posibleng kahit paano ay may masasandigan na sila sa kanilang pagbangon. Malaking factor din na milyun-milyong Pinoy at dayuhan na ang bakunado kaya’t mas malaya na ang takbo ng tourism industry dahil dito.
At dito na maaaring magamit ang unused funds na nakapaloob sa SBCorp para mas matulungan ang tourism sector sa hangad nilang bumangon at muling magpalakas.
Nagluwag ang IATF sa mga regulasyon kaugnay sa foreign tourist arrivals, pero mahigpit na ipinatutupad na kailangang kumpleto sa bakuna ang mga dayuhang papasok sa bansa at kailangang makapagprisenta ng negative result ng kanilang COVID test at 24-hour result ng laboratory-based antigen test.
Napakahalaga pong makabangon na ang tourism industry para makabawi ang economic status ng mga pamahalaang lokal, at ang mga manggagawa ng sektor. Kaya’t hinihikayat natin ang SBCorp at ang DOT na makipag-alam sa mga operators na nangangailangan ng tulong pinansiyal para maipagpatuloy na ang kanilang operasyon sa lalong madaling panahon.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com





Comments