Paulit-ulit na namatay ang ina
- BULGAR
- Aug 9, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 09, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jelanie ng Saudi.
Dear Maestra,
Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan sa sandaling mabasa ninyo ang aking ipinadalang panaginip. Gusto kong malaman kung bakit paulit-ulit ang panaginip ko tungkol sa nanay ko na nasa Pilipinas. Siya ang nag-aalaga sa tatlo kong anak, habang nandito ako sa Saudi para magtrabaho. Palagi kasi kaming kinakapos noon at halos hindi magkasya ang budget sa pang-araw-araw naming pangangailangan kaya naisip kong magtrabaho sa abroad. Biyuda na ako at walang kaagapay sa buhay.
Paulit-ulit ang panaginip ko na namatay na ang nanay ko. Una, naaksidente siya. Pangalawa, inatake sa puso at pangatlo, bigla na lang siyang natumba at nalagutan ng hininga.
Bakit kaya ganu’n, ano ang ibig sabihin ng mga panaginip ko?
Naghihintay,
Jelanie
Sa iyo, Jelanie,
Huwag kang mabahala sa panaginip mo tungkol sa iyong ina. Ang ibig sabihin ng paulit-ulit mo siyang napapanaginipang namatay na ay pagbabago ng buhay niya tungo sa kasaganaan at magandang pamumuhay. Ang sabi mo ay nasa Saudi ka at d’yan nagtatrabaho, patunay lamang na mahahango na sa hirap ang nanay mo dahil padadalhan mo siya ng pera para sa iyong mga anak at siyempre para rin sa kanya. Dahil dito, luluwag na ang kanyang buhay, na hindi gaya noon na kapos kayo at hindi malaman kung paano pagkakasyahin ang inyong budget.
‘Yung paulit-ulit, ang ibig sabihin ay hindi lamang isang beses kang magpapadala ng pera sa nanay mo kundi paulit-ulit.
Ingatan mo ang iyong sarili at panatilihing malusog ang katawan. Huwag ka ring magtitipid, ikaw lang at walang ibang inaasahan ang mother mo na siyang nag-aalaga sa mga anak mo. Maging matatag ka at palaging tumawag sa Diyos kapag nakakaramdam ng homesick d’yan sa Saudi. Malapit mo nang marating ang tagumpay na sadyang inilaan sa iyo ng tadhana at ‘yan ang tiyak na magaganap.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments