top of page

Patutsadahan nina P-BBM at Ex-P-Digong, tantanan na, kasiraan ‘yan sa ‘Pinas

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 31, 2024
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Enero 31, 2024


DAPAT TIGILAN NA NINA P-BBM AT FPRRD ANG PATUTSADAHAN, KASI IISIPIN NG MGA TAO SA MUNDO NA ANG PRESIDENTE AT EX-PRESIDENT MGA ADIK -- Dapat tantanan na nina Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) at former Pres. Rodrigo Duterte (FPRRD) ang patutsadahan.


Malaking kasiraan kasi sa Pilipinas ang ginagawa nilang iringan tulad nang sinabi ni FPPRD na bangag, adik daw sa droga ang kasalukuyang presidente ng bansa, at ang resbak naman ni P-BBM ay adik naman daw sa fentanyl ang ex-president.


Kasiraan talaga ito sa ‘Pinas, kasi iisipin ng mga tao sa mundo, na ang presidente at former president ng Philippines ay mga adik, tsk!


◘◘◘


‘DEAD’ NA ANG CHA-CHA KAYA HUWAG NA SANA ITONG ‘BUHAYIN’ NG MGA CONG. NA UHAW SA KAPANGYARIHAN -- Ayon kay Senate President Migz Zubiri, inutos na raw ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na itigil o stop na ang pagsusulong ng Charter change (Cha-cha).


Dahil Presidente na ang nagsabi n’yan, kumbaga ay “dead” na ‘yang Cha-cha kaya’t huwag na sanang “buhayin” ‘yan ng mga kongresistang “uhaw” sa kapangyarihan, period!

◘◘◘


MALI ANG AKALA NG MGA SCALAWAG NA PARAK NA MAKAKALUSOT SILA KAY GEN. NARTATEZ, HINDI PALA KASI PINADIDISMIS NA SILA SA SERBISYO -- Akala ng 34 scalawag na pulis na nakatalaga sa Southern Police District Office (SPDO) at Parañaque City Police Station na nanghulidap at nangikil sa pitong babae at siyam na Chinese nationals sa Solemare Parksuites Condominium sa Parañaque City ay walang ebidensya sa ginawa nilang kabalbalan noong Sept. 16, 2023, kaya’t laking gulat nila nang ipakita ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. sa hearing sa Kamara, kabilang dito ang pag-off sa body camera ng isang pulis na kasama sa operasyon, pagbura sa ilang bahagi ng CCTV sa loob ng condominium para hindi makita ang pagkulimbat nila sa P27 million sa vault at pagkulong sa apat na babaeng Chinese nang walang isinampang kaso sa kanila at iba pang iregularidad.


Akala siguro ng mga scalawag na parak na ito ay makakalusot sila kay Gen. Nartatez kaya’t sa una pa lang, sinibak na sila ng NCPO director sa kanilang mga puwesto at dahil sa rami ng mga ebidensya laban sa kanila, inirekomenda na ni Gen. Nartatez ang pagdismis sa kanila sa serbisyo, period!

◘◘◘


SA KASAYSAYAN NG NCRPO, SA PANAHON NI GEN. NARTATEZ NANGYARI ANG SANGKATERBANG TIWALI AT ABUSADONG PARAK NA NAKASUHAN AT NADISMIS SA SERBISYO -- Sa statement ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo nitong nakalipas na January 7, 2024 na sa liderato ni Maj. Gen. Nartatez sa NCRPO ay wala raw itong backlog sa mga administrative cases laban sa mga tiwali at abusadong pulis sa Metro Manila. Nasa higit 800 pulis ang nasampahan ng mga kasong administratibo at higit 300 parak na ang pinadismis ng NCRPO director sa serbisyo.


Aba’y sa kasaysayan ng NCRPO, ngayon lang nangyari na ganyan sangkaterbang tiwali at abusadong pulis sa Metro Manila ang nadismis at nasampahan ng kasong administratibo, palakpakan naman d’yan!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page