Patung-patong ang traffic violations... Lisensiya ng vlogger na si Geo Ong, suspendido

by Mervin Reyes @News | November 21, 2026

Photo: Geo Ong - YT
Sinuspindi ng Land Transportation Office (LTO) sa loob ng 90 araw ang lisensya ng kilalang vlogger na si Geo Ong, ama ng PBB housemate na si Jeo Ong, dahil sa umano'y patung-patong na paglabag sa mga batas-trapiko.
Batay sa kumakalat na larawan at video, nagmaneho umano si Ong ng motorsiklo nang walang helmet, kasama ang dalawa niyang angkas na wala ring suot na helmet. Nakuhanan din siyang kumukuha ng larawan habang nagmamaneho.
Inisyuhan siya ng Show Cause Order (SCO) at pinahaharap sa LTO Palawan District Office sa Nobyembre 24 upang magpaliwanag.
Kabilang sa mga inirereklamong paglabag ang hindi pagsusuot ng helmet, overloading at reckless driving.
Ayon kay LTO Chief Asec. Markus Lacanilao, hindi dapat isinasakripisyo ang kaligtasan sa kalsada para lamang sa social media content.





Comments