top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Patuloy nating suportahan ang ating mga atleta

BULGAR
Jun 11, 2022
3 min read

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | June 11, 2022


Kabuuang 226 na medalya ang nahakot ng Pilipinas sa nakaraang 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam. At maganda pa riyan, pang-apat tayo sa overall standing.


Kung ikukumpara natin ang tikas ng Pilipinas noong ginanap ang 22nd SEA Games sa Hanoi, may halos dalawang dekada na ang nakararaan, iba ang gilas natin sa kasalukuyan. Mas brusko. Mas malakas. Mas handa. Lumalaban.


Nitong nakaraang SEA Games, nakakuha tayo ng 26 medalya sa Athletics kung saan 5 ang ginto, 7 ang silver at 14 bronze. Sa Gymnastics naman, nakakuha tayo ng 14 medals (7 Gold, 4 Silver, and 3 Bronze), sa Dancesport, 12 medals (5 Gold, 5 Silver, and 2 Bronze) at sa Wrestling 12 na medalya rin (7 Silver and 5 Bronze).


Iba ang ipinakitang husay ngayon ng ating mga atleta. Kulang ang mga papuri para ipakita natin sa kanila na ipinagmamalaki natin ang kanilang ipinakitang pagsisikap. Sa opening ceremonies pa lang, nagbadya na ng malaking laban ang ‘Pinas dahil unang sargo pa lang, ginto na agad ang nasungkit natin dahil si Francine Padios ay kumana agad ng ginto sa Pencak Silat Women’s Artistic Single event.


Matagal din tayong dumanas ng tagtuyot sa medalya at dito nga sa ginanap na SEA Games, hindi lang tayo humakot ng medalya, nakapag-break pa tayo ng record, lalo na sa estado ng napakagaling na pole vaulter na si EJ Obiena. Nakapagtala si EJ ng bagong record sa SEA Games men’s pole vault record sa one take lang, ang weightlifter namang si Vanessa Sarno, inungusan niya ang lahat ng SEA Games records sa women’s 71kg event. Sa swimming naman, breaking the record din si Jess Geriane nang matapos niya sa 29.38 seconds lang ang women’s 50-meter backstroke.


Tinapos din ni Chloe Isleta ang gold medal drought ng Pilipinas sa swimming, women’s division. Maging ang Philippine bowling team na binubuo nina Merwin Tan, Patrick Neil Nuqui, Ivan Dominic Malig, and Christian Dychangco, naging daan din para muli tayong magkamit ng medalya sa bowling sa loob ng 11 taong paghihintay. Mas matindi sa Philippine Women’s Football Team dahil 37 taon tayong naghintay na magkamit ng medalya na naisakatuparan ng talunin ng ating koponan ang Myanmar para sa bronze medal.


Ang Olympian na si Carlos Yulo nagpakita ng isa na namang masterclass performance sa gymnastics matapos magwagi ng 5 ginto at 2 silver medals.


Iba rin ang ipinakitang galing ng 51-anyos na Army personnel na si Richard Gonzales sa men’s table tennis at makapanalo ng silver medal para sa bansa.


Matindi ang karangalang dala ng mga atletang Pinoy sa katatapos na SEA Games, kaya’t dapat lang naman na bigyan sila ng pabuya bilang pagkilala sa ipinamalas nilang galing. Ito ang dahilan kung bakit tumayo tayong sponsor ng RA 10699 of 2015, kung saan itinaas ang mga matatanggap na incentives ng national athletes and coaches.


Sa ilalim ng batas na ito, ang magwawaging atleta sa SEA Games ay tatanggap ng cash incentives mula sa halagang P60,000 hanggang P300,000, depende sa kanilang napanalunan.


Ang kani-kanilang coach naman ay tatanggap ng cash incentive na katumbas ng 50 percent ng cash reward na matatanggap ng manlalaro na nagwagi ng anumang medalya (gold, silver, bronze). Ang mga atleta naman na mas naungusan ang dati nilang record sa nilahukang kompetisyon ay tatanggap ng cash incentives na idedeklara ng Philippine Sports Commission (PSC). Kaugnay nito, nag-file rin tayo ng panibagong panukala — ang Senate Bill 1225 na mas lalo pang nagpapataas sa cash incentives na ibibigay sa ating mga atleta at coaches. Sa pagpasok ng bagong Kongreso (19th Congress), muli nating isusulong ang panukalang ito sa layuning mas mabigyan natin ng inspirasyon at motibasyon ang ating mga manlalaro at mapanatili ang kanilang momentum sa ipinakita nilang kakaibang gilas nitong katatapos na international competition.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page