Patuloy na suporta sa mga nakatapos sa 4Ps, unfair sa mga biglaang tinanggal
ni Ryan Sison @Boses | June 26, 2023
Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na patuloy silang makakatanggap ng suporta mula sa mga local government units (LGUs), gayundin sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor, kahit nakatapos na sila sa programa.
Ayon sa tagapagsalita ng DSWD, ang mga graduating o exiting households ay sumasailalim sa social preparation, tulad ng pagdalo sa Family Development Sessions, alinsunod sa Kilos-Unlad case management strategy.
Ipinunto nito na bago ang seremonya ng pagtatapos ng “Pugay Tagumpay”, ang mga exiting o graduating na mga pamilya ay dumaan sa masusing proseso ng assessment upang suriin ang kanilang kalagayan.
Gayunman, nagsasagawa rin ang DSWD ng reassessment process para kumpirmahin ang status ng mga benepisyaryo na kasama sa listahan ng mga hindi na kwalipikado para sa programa bilang tugon sa mga apela mula sa 4Ps beneficiaries.
Kaya upang matiyak na handa ang mga benepisyaryo sa kanilang pag-alis sa 4Ps, itinatag ng DSWD ang “Kilos-Unlad” Social Case Management Framework.
Anila, ang mga benepisyaryo na exiting at graduating ay maaaring makipag-ugnayan sa kani-kanilang LGU para sa anumang karagdagang tulong, serbisyo, o programa na maaaring kailanganin nila.
Sa totoo lang, maganda ang hangarin na ito ng DSWD sapagkat maraming benepisyaryo ang hindi pa handang matanggal sa programa dahil isa ito sa tumutulong sa mahihirap na mga pamilyang Pilipino.
Ngunit bali-balitang maraming benepisyaryo ang bigla na lamang naalis sa nasabing programa at palaisipan pa rin sa iba ang dahilan ng kanilang pagkakatanggal.
Sana, bago ito ipatupad ng DSWD ay isaayos muna nila ang problema at linawin sa mga dating benepisyaryo ang rason kung bakit sila naalis sa programa, dahil imbes na makatulong sila ay pinagtatanggal kung sino pa ang higit na nangangailangan.
Hindi kasi ito patas sa mga natanggal kaya’t habang maaga ay aksyunan na ito ng DSWD dahil maraming pamilya ang umaasa sa 4Ps.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments