Patay sa Rabies, dumarami
ni Ryan Sison @Boses | March 12, 2023
Sa pagpasok pa lang ng taon, mas tumaas ang mga naitalang kaso ng tinamaan ng rabies na kalaunan ay namatay sa bansa.
Ito ang pahayag ni Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau director Dr. Alethea De Guzman, na lahat ng naiulat na 55 rabies cases ay nagresulta sa pagkamatay, batay sa datos ng ahensya mula Enero 1 hanggang Pebrero 25.
Sa isang virtual forum ipinaliwanag ni De Guzman, ang rabies ay halos 100% fatal, at lahat ng 55 kaso na tinutukoy niya ngayong taon lamang ay nauwi lahat sa pagkamatay.
Nasa 8 porsyento aniya, itong mas mataas kumpara sa 51 rabies cases na nai-report sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Hindi naman itinuturing ng opisyal itong nakakaalarma, bagama’t bahagyang tumaas ang naturang kaso.
Giit ng kalihim, ang mga surveillance ng pamahalaan laban sa nasabing sakit ay malaki ang naitutulong.
Ipinaalala ni De Guzman na sa nagdaang 3 taon, nakapokus ang bansa sa COVID-19 at nito lamang nagkaroon ng pagkakataon at resources ang gobyerno para sa iba pang mga sakit bukod sa coronavirus.
Ang top 5 regions ng rabies cases na naitala ay Region 3 na may 11 kaso, Calabarzon na nasa 9 na kaso, Region 5 na may 5 cases, at ang Region X at Region X1 na may tig-4 na kaso.
Karamihan sa mga naturang kaso na nai-report nitong mga nagdaang taon ay mga insidenteng nakagat ng aso. Ngayong 2023, nasa 41.82 porsyento ay stray dogs, 36.36% ay mga domestic dogs at 1.82 porsyento naman ay mga wild dogs.
Sa naitalang bilang, nasa 46.81 porsyento ng kaso ng dog-related rabies ay unvaccinated habang 53.19 porsyento naman ay hindi batid ang vaccination status.
Hindi man nakakabahala ang mga kaso ng tinamaan ng rabies may tsansa pa rin na maaaring mamatay dahil dito.
Kadalasan kasi, ang mga hayop ay nagiging matapang at mabangis, lalo na kapag tag-init.
Hindi biro ang makagat ng anumang hayop na bukod sa makakaramdam ng sakit ay posibleng ma-infect o ma-rabies dulot ng laway nito habang wala ring katiyakan kung vaccinated ang kumagat na hayop o hindi.
Kailangan talaga natin ng ibayong pag-iingat sa ating sarili lalo na sa paglalakad sa mga lansangan dahil maaaring may mga gumagalang hayop gaya ng aso at bigla na lang mangagat.
Umaasa naman ang taumbayan sa kinauukulan na mas tututukan nila ang ganitong kaso upang hindi na dumami pa ang madadale na kalaunan ay mamatay.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments