Patalsikin sa puwesto ang mga ngangang opisyal sa panahon ng kalamidad
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 31, 2022
PABAYANG OPISYAL SA PANAHON NG KALAMIDAD, DAPAT SIBAKIN—Dismayado si Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos kung bakit hindi agad nailikas ang mga kababayang labis naapektuhan ng Bagyong Paeng.
Dahil dismayado si P-BBM, tiyak na kakaba-kaba na ngayon ang ilang opisyal na ang mandato ay may kinalaman sa disaster preparedness kasi malamang ay sibakin sila ng Pangulo dahil "nganga" lang sila sa panahong humaharap sa matinding sakuna ang bansa.
◘◘◘
DAHIL SA POST NG MGA LOYALISTS AT DDS BLOGGERS SA PAGHAHANAP KAY EX-VP LENI, INIISIP NG NETIZENS NA 'NGANGA' SINA P-BBM AT VP SARA SA PANAHON NG KALAMIDAD—Dapat tantanan ng mga loyalista at DDS bloggers ang kapo-post ng #NasaansiLenlen bilang pang-asar kay former Vice-Pres. Leni Robredo sa panahong may nananalasang bagyo sa bansa kasi kina P-BBM at Vice-Pres. Sara Duterte-Carpio lang 'yan magbu-boomerang.
Iniisip kasi ng publiko na dedma sina P-BBM at VP Sara sa pananalasa ng bagyo sa Pilipinas, kaya si former VP Leni na lang ang hinahanap.
◘◘◘
KUNG WALA NANG PLANONG BIGYAN NG PRANGKISA ANG ABS-CBN, DAPAT GAWING TUNAY NA PANG-SERBISYO-PUBLIKO ANG PTV 4 AT HINDI PROPAGANDA LANG NG PAMAHALAAN—Kung wala na talagang plano ang mga kongresista na bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN, mainam na gawin nila ay dagdagan, lakihan ang budget ng government network na PTV 4 at utusan ang mga namamahala na tularan ang serbisyo ng Kapamilya networks sa panahong may nananalasang kalamidad sa bansa, na round the clock ay ang government network na ang magbibigay-impormasyon sa mamamayan tungkol sa mga bagyo o lindol na tumatama sa Pilipinas.
'Ika nga, dahil pera naman ng bayan ang nagpapatakbo sa operasyon ng PTV 4, dapat tunay na serbisyo sa mamamayan ang maging tema ng operasyon nito at hindi para lang sa propaganda ng pamahalaan.





Comments