Pasyente ng COVID-19, ‘wag hintaying magpakalat-kalat sa kalsada bago asikasuhin
- BULGAR

- Jul 19, 2020
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | July 19, 2020
Dahil punuan na ang mga ospital, pahirapan sa mga COVID-19 patients na maghanap ng matutuluyan.
Hindi na rin kasi inirerekomenda ang home quarantine, kaya naman ipinapayo ng Department of Health (DOH) na magtungo sa pinakamalapit na quarantine facility para mabigyan ng sapat na atensiyong-medikal ang mga pasyente.
Pero hindi ganito ang nangyari sa isang seaman na nagpositibo sa COVID-19 dahil nanatili siya nang dalawang araw sa loob ng walang aircon na ambulansiya sa Maynila.
Dinala umano ng mga barangay personnel sa pinakamalapit na quarantine facility ang pasyente, ngunit puno na ito.
Bagama’t asymptomatic, nakasuot ng kumpletong personal protective equipment (PPE) ang mga barangay personnel kasama niya. Alas-9:00 ng gabi ng Biyernes, dinala siya sa Tondo Sports Complex at na-accommodate.
Ang sitwasyong ito ay posibleng mangyari sa ibang pasyente kung patuloy na tataas ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa at napuno ang mga quarantine facility.
Lalong nalalagay sa panganib ang pasyente, gayundin ang personnel na kasama nito.
Sana ay magsilbi itong aral sa atin na hindi malayong ganito ang mangyari kapag nagpatuloy tayo sa pagpapasaway.
Tipong ‘pag tayo ang nagkasakit, hindi natin alam kung saan tayo dadalhin dahil puno na ang mga ospital at pasilidad.
Mapa-asymptomatic man o hindi, bigyan ng sapat na tulong at atensiyon ang mga pasyente.
Gayundin, ‘wag na sanang maulit ang ganitong insidente. Sana ay magkaroon ng mahigpit na koordinasyon ang mga pasilidad. Abisuhan ang mga tauhan ng barangay at magbigay ng listahan ng mga pasilidad na puwedeng pagdalhan.
‘Wag nating hintayin na mapuno ng mga ambulansiyang may pasyente ng COVID-19 ang mga kalsada bago tayo matauhan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments