Pasig river ferry, tulong sa problema sa trapik
ni Ryan Sison @Boses | Enero 20, 2023
Upang mabawasan ang mabigat na trapik, lalo na sa EDSA, patuloy na hinihikayat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko na tangkilikin ang Pasig River Ferry System.
Sa kasalukuyan, nabatid na may ipinatutupad na libreng sakay sa naturang ruta, na magtatapos sa Disyembre 31, 2023.
Ayon kay MMDA Deputy Chairperson Frisco San Juan, nagsimula ang proyekto bilang tulong sa mga frontliners noong kasagsagan ng pandemya at patuloy itong isinusulong upang mabawasan ang mga pasahero sa kalsada, lalo na sa EDSA, na nagreresulta sa pagbigat ng trapiko.
Ang biyahe ay umaabot nang 25 kilometro at daraan sa mga istasyon sa Escolta, Lawton, Quinta Market, Polytechnic University of the Philippines, Sta. Ana at Lambingan sa Maynila; Valenzuela at Guadalupe sa Makati, Hulo sa Mandaluyong City, gayundin sa San Joaquin, Kalawaan at Pinagbuhatan sa Pasig City.
Ayon sa MMDA, kayang bumiyahe ng ferry boats mula Guadalupe hanggang Maynila sa loob ng 45 minuto hanggang isang oras.
Kasalukuyang may siyam na operational ferry boats, kung saan ang anim dito ay 50-seater, habang tatlong bangka naman ang kayang magsakay ng 36 pasahero. Kaya umanong magsilbi ng mga naturang bangka sa 900 hanggang 1,000 pasahero kada araw.
Samantala, inaasahan namang ibabalik ang paniningil ng pamasahe rito sa 2024. Gayunman, tiniyak ng MMDA na mayroon pa rin silang ibibigay na diskwento sa mga pasahero.
Magandang balita na mayroong programa na bahagyang makatutulong sa problema sa trapik sa bansa.
At siyempre, kakailanganin natin ang suporta at kooperasyon ng publiko para makita ang kabuuang epekto nito sa sitwasyon ng trapik.
Tutal, libre ang pamasahe, hinihikayat natin ang mga komyuter na suportahan ang programa.
Batid nating isa lang naman ang nais nating lahat — ang maibsan ang trapik at makatipid sa oras ng biyahe.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments