Pasensya ng mga komyuter at motorista, sagad na
ni Ryan Sison - @Boses | December 16, 2022
Hindi na bago ang problema sa trapik.
Holiday season man o normal na araw, napakaraming motorista ang naiipit sa trapik, kaya nang pumasok ang “ber months”, inasahan na ng marami ang pahirapang pagbiyahe dahil sa pagdagsa ng mga mamimili at namamasyal.
Pero bukod sa trapik, dagdag-pasanin din sa mga komyuter ang kakulangan ng masasakyan dahil sa dami ng pasahero.
Kahit ang mga pumapasadang taxi driver ay napansing mas marami na ang mga pasahero sa daan kumpara noong mga nakalipas na buwan. Gayunman, aminado ang ilang drayber na hindi nila maiwasang mamili ng pasahero tuwing rush hour dahil imbes na kumita ay lugi pa umano sila.
Paliwanag ng Philippine National Taxi Operators Association, ilang libong taxi drivers na ang umalis sa pagmamaneho ng taxi dahil sa pagkalugi sa noong panahon ng pandemya, na sinundan naman ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Kaya hiling ng presidente ng asosasyon, intindihin din ang mga drayber kung bakit minsan ay napipilitan sila na mamili ng mga pasahero. Depensa nito, kahit may inaprubahan na dagdag na flag down rate sa mga taxi, lugi pa rin ang mga driver at operator dahil sa taas ng presyo ng gasolina.
Ayon naman sa National Center for Commuter Safety and Protection, dapat pag-aralan ng gobyerno kung sapat ang bilang ng mga pampublikong transportasyon para sa komyuter.
Samantala, nagpaalala naman ang Department of Transportation (DOTr) sa mga taxi drivers na may ipinatutupad na ‘Oplan Isnabero’ ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ilang araw bago magtapos ang taon, dama pa rin ang hirap pagdating sa sektor ng transportasyon.
Sagad na ang pasensya ng mga komyuter at motorista dahil sa tindi ng trapik.
Marahil ay hindi na sapat ang paalala na agahan ang pagbiyahe dahil batid nating hindi sa lahat ng pagkakataon ay ito ang solusyon sa problema.
Hamon natin sa gobyerno, harapin ang katotohanan na may kakulangan sa transportasyon at ‘yan ang dapat nating tutukan. Umaasa tayo na hindi na natin dala sa 2023 ang problemang ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments