Parusa sa pagdiskrimina at pang-aabuso sa LGBTQ+
ni Ryan Sison @Boses | July 6, 2023
Hinimok ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga local government units na magpasa ng mga ordinansa na nagpoprotekta sa mga indibidwal mula sa diskriminasyon at matiyak ang equality para sa lahat.
Pinuri ng CHR ang pamahalaang lungsod ng Muntinlupa sa pagpasa ng City Ordinance No. 2023-077 o Respeto sa Kapwa Muntinlupeño ordinance na naglalayong kastiguhin at parusahan ang mga gumagawa ng unwanted sexual remarks and actions sa mga pampublikong lugar.
Ang mga lalabag ay gagawa umano ng mga reparasyon alinsunod sa Republic Act 11313 o ang Safe Spaces Act.
Samantala, napansin ng komisyon na ang tahasang harassment at diskriminasyon ay patuloy na namamayani sa Pilipinas, online man o real-life setting.
Giit pa nito, maraming mga kaso sa bansa ng harassment na udyok at nauugnay sa gender identity, mula sa mga microaggression at disadvantages sa workplace hanggang sa karahasan at kamatayan,
Ayon sa CHR, ang ordinansa ay sumusunod sa mga prinsipyong itinataguyod ng International Labor Organization Convention No. 190 on Violence and Harassment, United Nations Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination against Women, at Yogyakarta Principles bukod sa iba pa sa pagsasagawa ng isang proactive na tungkulin upang lumikha ng safer spaces para sa mga vulnerable minorities.
Napakagandang ordinansa ito dahil batid natin na sobra ang diskriminasyon na natatanggap ng mga miyembro ng LGBTQI. Lahat tayo ay malaya na ipakita kung ano talaga tayo, at sana ay mas maunawaan pa ito ng mga tao.
Napakarami nang nangyayaring negatibo sa mundo, piliin na lang natin na maging masaya para sa iba.
Kaya naman, hiling natin na maraming sumuporta sa ordinansang ito upang wakasan na ang nangyayaring stigma at diskriminasyon sa LGBTQIA+ community.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments