top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Parusa at multa sa driver na maniningil ng pasahe sa EDSA Busway Carousel

BULGAR
Dec 6, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 6, 2022


Mahaharap sa parusa at pagmumultahin ang sinumang driver mapatutunayang naniningil ng pamasahe sa mga pasahero ng EDSA Busway Carousel.


Ito ang babala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos makatanggap ng sumbong na mayroon pa rin umanong naniningil ng pamasahe sa kabila ng umiiral na 24/7 na libreng sakay sa buong buwan ng Disyembre.


Habang tiniyak ng LTFRB na pinaiimbestigahan na ang naturang ulat, nanawagan din ang ahensya sa mga komyuter na ipagbigay-alam sa kanila ang mga ganitong insidente upang mapanagot ang mga driver na nananamantala sa mga pasahero.


Samantala, may naipakalat na ring mga elemento ng LTFRB at Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) sa bawat istasyon ng EDSA Busway para pangalagaan ang mga pasahero at malaman ang mga lugar na may mataas na demand sa sasakyan upang madagdagan ang mga unit na bumabiyahe.


Matatandaang inanunsyo ng LTFRB na libre ang sakay sa EDSA Busway Carousel upang mabawasan ang gastos ng publiko ngayong holiday season.


Sa totoo lang, maraming umaasa sa libreng sakay ng gobyerno, kaya naman malaking bagay ang ginawang pagpapalawig ng oras na walang bayad ang pamasahe. Pero kung may mga nananamantala, kawawa ang mga pasaherong nabibiktima.


Sa kabilang banda, batid natin na ilegal ang ginagawang paniningil sa kabila ng pag-iral ng 24/7 na libreng sakay, pero bago ang lahat, alamin din natin ang rason kung bakit ginagawa ang ganitong pananamantala.


May kaugnayan ba ito sa mabagal na pasahod o baka mapagsamantala lang talaga ang ilan?


Panawagan sa mga kinauukulan, masusing imbestigahan ang insidente at tiyaking hindi na ito mauulit.


Ilang araw na lang ay tapos na ang programa, kaya naman umaasa tayo na magtatapos ito nang matiwasay at walang bahid ng pananamantala.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page