top of page

Party-list group, tiyaking may ‘K’ na sumabak sa 2025 election

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 17, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 17, 2024


Boses by Ryan Sison

Aabot sa 200 party-list groups ang nag-apply para magparehistro sa midterm elections sa susunod na taon.


Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, kapag na-register na at nailathala sa dalawang national broadsheet, at walang petisyon na inihain para harangin o i-block ang aplikasyon, ang party-list group ay kuwalipikado nang sumali sa 2025 elections.


Tanging ang mga organized groups lamang na nakarehistro sa Comelec at naghain ng Manifestation of Intent to Participate ang maaaring lumahok sa party-list elections next year.


Sa isang kautusan, sinabi ni Garcia na kailangan ng petitioner na magsumite ng apat na kopya ng Proof of Publication sa Office of the Clerk of Commission na matatagpuan sa Palacio del Gobernador Bldg., Intramuros, Manila sa loob ng 15 araw mula sa receipt ng Order.


Kaugnay nito, ayon sa Comelec kung may mga tutol sa grupong naghahangad na tumakbo sa 2025 elections, maaari naman silang maghain ng petisyon sa Commission sa loob ng 10 araw mula sa petsa ng publication.


Batay sa huling bilang anang opisyal, may 145 aplikante ang naaprubahan bilang party-list groups na sasabak sa eleksyon sa May 2025. Aniya pa, isa sa mga party-list group na gustong lumahok sa halalan sa susunod na taon ay ang bagong tatag na “Pilipinas Babangon Muli o PBBM.”


Napakaraming na namang nagpahayag ng intensyong sumabak sa eleksyon sa susunod na taon at nagsumite ng kanilang aplikasyon sa Comelec.


Mga party-list group na gustong maupo sa puwesto at nagsasabing magsisilbi sa mga mamamayan at sa ating bayan.


Sana lang talagang qualified ang papayagang tumakbo na mga mambabatas at hindi ‘yung walang alam sa batas at pagkatapos ay tutunganga lang sa kanilang tanggapan. Gayundin, totoong may puso sana ng tapat na paglilingkod sa taumbayan na walang halong pag-iinteres sa anumang bagay. Kumbaga, inuuna ang kapakanan at kalagayan ng mga kababayan na mapabuti, bago pa ang sarili.


Paalala sa ating mga kababayan na maging mapanuri tayo sa mga iluluklok nating mamumuno ng ating bansa. Huwag tayo basta padadala sa mga boladas at magagandang pananalita ng mga tatakbong pulitiko. Alamin nating maigi ang kanilang background bago sila tuluyang piliin at iboto. Alalahanin din sana natin na kapag maayos at mabuti ang isang lider, siguradong magiging maayos at mapapabuti rin ang mga mamamayan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

ความคิดเห็น


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page