- BULGAR
Parokya online, parokya sa kalye
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 7, 2022
Ilang taon na rin ang dumaan nang binuo natin ang kakaibang parokya. Dahil sa pandemya, napilitan tayong buuin ang kakaibang uri ng classroom. Wala itong lamesa ng guro at mga mag-aaral. Wala itong blackboard. Wala ring mga school bus, mga sasakyang naghahatid o sumusundo.
Hindi na rin kailangan ang baon o pamasahe. At kailangang-kailangan ang tulong ng mga magulang at mga yaya dahil hindi na pumapasok ang mag-aaral sa paaralan na parang pangalawang bahay.
At ito nga ang nabuong pamamaraan at kapaligiran ng “virtual learning” na hindi na kailangang pumasok pa ng mga bata basta’t meron silang telepono o computer. Ginagamit na rin ang tinatawag na mga “modules” o mga leksyon na merong mga “workbooks” na kailangang sagutan at ipadala sa mga paaralan upang matingnan at makorek ng guro kada linggo.
At nang unti-unting nabawasan ang panganib at nakamamatay na kamandag ng COVID-19, naroroon na rin ang “blended learning” o kombinasyon ng face-to-face at virtual.
Kaya’t hanggang ngayon ay nabubuhay ang mga guro at mag-aaral sa kani-kanyang tahanan kung saan ang guro ay nagtuturo sa pamamagitan ng “electronic gadget”.
Halos tatlong taong nagkikita kami ni Senadora Leila de Lima at ang mga bumubuo sa tinagurian nating ‘PAROKYA NI LEILA” o PNL. Linggo-linggo sa ganap na ika-10:00 ng umaga, dumarating ako at ang ilang mga kamag-anak, kaibigan at kapanalig ni Senadora Leila sa pagtulong at pagbabago ng mahal niyang Inang Bayan, sa Camp Crame Custodial Unit. Sa isang maliit na tanggapan ng mga bisita sa piitan ng Camp Crame, nagdarasal, nagbabahagi at nagsisimba ang humigit kumulang sampu hanggang dalawampung kasapi ng PNL. Mga mabungang panahon ang mga linggong iyon. Napakalaking bagay para kay Senadora Leila ang lingguhang pagsimba kasama ang ibang tao sa kanya mismong piitan kung saan siya lantaran at sapilitang ginigipit ng mga taong mapaghiganti at takot.
Natigil ang lahat ng ito noong Marso 2020 noong nag-lockdown ang buong mundo dahil sa COVID. Paminsan-minsan, pinahihintulutan ang tatlong pari na magsalit-salit sa pagdiriwang ng Banal na Misa para kay Senadora Leila. Bagama't tatatlo lang kami: Senadora Leila, kapatid o malapit na kamag-anak, masaya’t napakamabunga’t puno ng halaga ang mga pagkakataong iyon.
At noon ding mga unang taon ng pagkulong kay Senadora Leila, nagsikap din ang ilan sa amin na mag-alay ng misa sa kalye, sa harapan o gilid ng Camp Crame. Iisa lang ang tema o intensyon ng mga misang iyon, ang “PALAYAIN SI SENADORA LEILA DE LIMA!!!”
Malakas ang pag-asa ng lahat, lalo na ni Senadora Leila na hindi siya magtatagal sa loob ng kulungan dahil walang maipakitang ebidensiya laban sa kanya. Panay mga testigong galing sa loob ng “Munti” o ang kulungan ng Bureau of Corrections o BUCOR sa Muntinlupa. Natuklasan namin na kaya palang gawin ng pamahalaan at ng mga korte na ikulong at panatilihing nakakulong ang mga inosenteng tao. Subalit dahan-dahang nagbago ang lahat ng ito noong dumating ang pandemya. Ilang mga testigo na rin ang namatay. Ilang mga hurado na rin ang nagretiro o nagpalipat ng korte para lang hindi na mahawakan ang kontrobersyal na kaso ng diumano'y pagkasangkot ng isang senadora sa salot na droga.
Tumagal nang tumagal ang kasong merong “pilit na mga testigo” ngunit “walang ebidensiya.” Alam ng lahat na tatagal nga ang pagkakakulong ng inosenteng senadora dahil iyon ang kagustuhan ng pinakamakapangyarihang opisyal ng bansa.
Subalit unti-unti nang nagbabago ang lahat ng ito sa pagbaliktad ng ilang mga testigo mula kay Ronnie Dayan hanggang kay Rafael Ragos at Kerwin Espinosa. Kapwa idinawit ni Ragos sa maruming industriya ng ilegal na droga sina Senadora Leila at ang kanyang drayber na si Ronnie. Ganundin ang testigong si Kerwin na diumano'y anak ng drug lord.
Ngunit isa-isa nang bumaliktad ang mga testigo na nagsabing pinilit at tinakot lang silang maghain ng gawa-gawang istorya laban sa senadora.
At ito ang aming pinagdasalan at pinaglamayan sa harapan ng Department of Justice mula Miyerkules ng hapon hangang Huwebes ng umaga. At sa harapan ng DOJ muling nagbuo ang Parokya ni Leila na nasa anyong Parokya sa Kalye. Masaya, buhay at puno ng pag-asa ang lahat ng naroroon. Dama namin ang pagpapala ng Diyos sa inosente, magaling at matapang na senadora. Opo Panginoon, inosente po si Senadora Leila. Palayain na po Ninyo si Leila. FREE LEILA NOW!