Paris Olympics opening ceremony nakakapote ang mga pumaradang atleta
- BULGAR
- Jul 27, 2024
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 27, 2024

Lumihis sa kinagawiang tradisyon ang isang nararapat na pambungad na seremonya para sa Paris 2024 Olympics, ang pangatlong pagkakataon magsisibing punong abala ang lungsod matapos ang 1900 at 1924. Pumarada ang mga atleta sa maulan na Ilog Seine imbes na sa loob ng stadium balot ang umaapaw na enerhiya papasok sa pinakamalaki at prestihiyosong palaro sa mundo.
Dumating ang kumpit sakay ang Team Pilipinas sa pangunguna ng mga boksingero Nesthy Petecio at Carlo Paalam na itinalagang magdala ng watawat. Kasama nila ang mga delegasyon ng Poland at Puerto Rico.
Unang pumarada ang Gresya kung saan isinilang ang Olympics at sinundan ng mga bansa ayon sa kanilang pangalan sa wikang Pranses. Ang host Pransiya ang huling pumasok.
Nanabik ang lahat sa paglahad kung sino ang binigyan ng karangalan na sindihan ang apoy na simbolo ng palaro at napunta ito kay Marie-Jose Perec ng Athletics at Teddy Riner ng Judo. Bago noon, isa-isang ipinasa ang sulo ng mga alamat kabilang sina Rafa Nadal at Amelie Mauresmo ng Tennis, Tony Parker ng Basketball at ang 100-taong anyos na si Charles Coste na nag-uwi ng ginto sa Cycling Team Pursuit noong London 1948.
Kasabay ng palabas sa Paris ay sabay ginanap ang seremonya sa Tahiti kung saan gaganapin ang Surfing sa Karagatang Pacifico. Tatakbo ang Olympics hanggang Agosto 11.








Comments