Para sa single ticketing system... Metro Manila traffic code, aprub na sa TWG – MMC chair
- BULGAR
- Jan 20, 2023
- 1 min read
ni Lolet Abania | January 20, 2023

Inaprubahan na ng technical working group (TWG) ang Metro Manila traffic code na gagamitin para sa single ticketing system sa National Capital Region (NCR), ayon sa Metro Manila Council (MMC) ngayong Biyernes.
Sa isang interview, sinabi ni MMC chairperson San Juan City Mayor Francis Zamora na ang pinal na TWG meeting kaugnay sa single ticketing system ay isinagawa sa San Juan City nitong Huwebes.
“Kaya ang gagawin ko po ngayon ay mag-schedule ng meeting ng MMC upang pag-usapan na ang pinal na porma nga ng ating magiging Metro Manila traffic code na prinisenta na rin kahapon at inaprubahan ng mga representatives na nandoon at kasama na po ako doon,” saad ni Zamora.
“I just want to clarify na ang aprubado dito ay sa level pa lang ng TWG. So ito ay ii-elevate na natin sa mismong MMC at kung wala naman pong pagtutol ng mga mayors dito, d’yan po magsisimula ang aktwal na proseso ng pag-implementa,” paliwanag ng mayor.
Ayon kay Zamora, nasa 20 karaniwang traffic violations na may kaukulang multa ang kanilang natukoy.
Aniya, sa San Juan, ang multa para sa hindi pagsunod sa mga traffic signs ay magiging mas mababa na kapag naipatupad ang single ticketing system. Mula sa P2,000 hanggang P4,000, ang multa ay magiging P1,000 na lamang.
Sinabi rin ni Zamora na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang sasagot sa gastusin para sa equipment na kakailanganin sa bagong system.
Target naman nilang ipatupad ang single ticketing system sa pagtatapos ng first quarter, ayon pa kay Zamora.





Comments