Para matapos ang problema, mga smugglers, kasabwat na traders at gov't. officials, ilantad!
- BULGAR
- Jan 19, 2023
- 1 min read
@Editorial | Enero 19, 2023
Hindi pa rin natatapos ang problema sa smuggling.
Nag-iiba lang ng produkto pero ganun pa rin ang epekto sa taumbayan, taas-presyo.
Kamakailan, nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Batangas ang isang marine vessel na may dalang 4,000 metric tons ng Thailand white refined sugar na may halagang P240 milyon at nakaimpake sa 80,000 bags.
Walang notice of arrival nang dumating ang barko sa contiguous zone ng Pilipinas, at wala ring import permit.
Kaugnay nito, iminungkahi ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na ibenta ang mga nasamsam na smuggled sugar sa mga tindahan ng Kadiwa na pinamamahalaan ng Department of Agriculture (DA).
Sa pamamagitan nito, masisiyahan daw ang publiko dahil sa mas murang makabibili ng asukal.
Sa totoo lang, kung gusto talaga ng gobyerno na masiyahan ang mamamayan, tuldukan na ang talamak na smuggling.
Patunay ng DA na mas malakas sila kaysa smugglers at traders pati na mga taga-gobyerno na posibleng magkakasabwat.
Dapat nang gumamit ng kamay na bakal para matigil ang ilegal na gawain. Habulin, ilantad at panagutin ang mga pasaway at abusado. Ito lang ang paraan kung gusto talagang matapos ang problema sa pagpupuslit ng mga produkto sa bansa.
Hindi na ito bago at tiyak na tukoy naman ng gobyerno kung sino ang mga nasa likod ng smuggling.
Huwag ninyong bigyan ng dahilan ang taumbayan na isiping inutil kayong mga nasa puwesto o sangkot din sa smuggling.
Patunayan n'yo na kalaban kayo ng mga ilegal at umiiral pa rin ang batas laban sa mga mapagsamantala.



Comments