Para makatipid sa kuryente, work-from-home malaking tulong
- BULGAR
- Mar 10, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | March 10, 2023
Upang makatipid sa kuryente, pinag-aaralan na ng Department of Energy (DOE) na magpatupad ng work-from-home setup sa kanilang mga opisina.
Sa pahayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno, balak din ng DOE na magsagawa ng “four-day in-person work week” o baguhin ang oras ng pasok ng mga empleyado ng ahensya at gawing mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon Lunes hanggang Huwebes, habang WFH setups naman tuwing Biyernes.
Paliwanag ni Diokno, magiging bahagi ang naturang panukala ng short-term interventions ng gobyerno para mapagaan ang epekto ng mataas na inflation sa ating bansa.
Iprinisinta na rin aniya ang panukalang ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ginanap na Cabinet meeting sa Malacañang, kamakailan.
At kung sakaling magtagumpay ang eksperimentong ito ng DOE, ayon kay Diokno ang daylight saving time at 4-day in-person work week, at isang araw na WFH setup ay maaaring isagawa na rin ng ibang ahensya ng gobyerno.
Sinabi naman ng kalihim na sa kabila na hindi kailangang ipatupad ng pribadong sektor ang parehong oras ng trabaho, maaari rin silang hikayating isagawa ito.
Ayon pa kay Diokno, iminungkahi rin ng DOE ang pagpapanatili ng 25 degrees Celsius ng default temperature setting ng mga air-conditioning units na kanilang ginagamit sa mga opisina.
Magugunita na noong 1973 global crisis, ipinatupad na rin ang daylight saving scheme kung saan nakaranas ng matinding pagkawala ng suplay ng kuryente sa bansa.
Maganda ang pinaplanong ito ng kinauukulan dahil magiging malaking katipiran ito sa pagkonsumo ng kuryente sa mga pampublikong opisina at establisimyento.
Malaki rin ang maitutulong nito sa National Grid Corporation of the Philippines na una nang nagpahayag na posibleng kapusin tayo ng suplay ng kuryente, lalo na ngayong nagsimula na ang tag-init.
Mainam din ito sa mga empleyado na may isang araw silang magtatrabaho sa bahay sa halip na makipagbardagulan sa kalsada makasakay lang at makapasok sa opisina.
Gayahin na rin sana ito ng mga pribadong kumpanya para makaagapay at hindi tuluyang lumala ang problema sa suplay ng kuryente sa bansa.
Kakayanin natin ang anumang krisis, basta tulung-tulong lang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments