Para makaganti sa mga korup na pulitiko… VICE SA MADLANG PIPOL: BALIKAN MO ANG NAGNAKAW SA ‘YO
- BULGAR

- Sep 15
- 2 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | September 15, 2025

Photo: It's Showtime / VIce at Anne
Sinang-ayunan ni Anne Curtis ang mga pahayag ni Vice Ganda laban sa katiwalian, na mabilis na nag-trending sa social media.
Sa It’s Showtime (IS), ibinahagi ng komedyante ang kanyang paghanga sa mga masisipag na mamamayan habang pinupuna ang mga lider na nagsasamantala sa pondo ng publiko.
Tinukoy niya kung paano ninanakawan ng korupsiyon ang buhay, pangarap, at pagkakataon mula sa mga Pilipino. Ini-repost ni Anne ang pagsang-ayon sa sentimyento ni Meme Vice kasunod ng maalab na mensahe ng komedyante laban sa katiwalian.
Sa segment na Laro Laro Pick ng programa, ikinuwento ng isang contestant na nagsimula siyang magtrabaho bilang porter sa edad na 14 para matustusan ang kanyang pamilya. Pinuri siya ni Vice at ang iba pang katulad niya, na may dignidad sa pagpili ng matapat na trabaho sa kabila ng kahirapan.
“Ito ‘yung mga taong ninanakawan natin. Ang korupsiyon ay hindi lamang pagnanakaw ng salapi ng bayan, ito’y pagnanakaw ng pag-asa. Ito ay pagnanakaw ng pangarap. Ito ay pagnanakaw ng magandang posibilidad,” ang matapang na wika ni Meme Vice.
Binigyang-diin din niya kung paano humahantong ang katiwalian sa pagkawala ng mga buhay at pagkait sa mga tao ng mahahalagang pagkakataon.
“Maraming tao ang namatay dahil sa pagnanakaw n’yo ng pondo ng buhay, maraming magulang ang hindi nakapagdala sa ospital ng kanilang mga may sakit na anak dahil sa korupsiyon. Maraming matatanda ang hindi naagapan ang sakit dahil sa korupsiyon. Maraming bahay ang nasira at nabagsakan dahil sa korupsiyon. Maraming asawa ang naghiwalay dahil sa problema ng kahirapan. Kaya hindi lang pera ang ninanakaw ninyo, kundi buhay.”
Pinaalalahanan din ni Vice Ganda ang mga manonood na ang pananagutan ay nasa kamay ng mga tao tuwing halalan.
Aniya, “Kaya balikan mo ang mga nagnakaw sa ‘yo. ‘Di ba, mababalikan natin sila? Sa ano’ng paraan? Sa pagboto nang tama, sa ‘wag pagpayag na ito ay patuloy nilang gawin sa atin, at sa ‘wag pagpayag na ito ay nagawa nila nang ganu’n-ganu’n lang.”
Sumang-ayon naman ang sisterette niyang si Anne sa lahat ng binitawang salita ni Vice.
Sa kanyang X account, ini-repost nito ang video ni Vice at naglagay ng komento:
“Totoo po,” kasunod ang tatlong frowning face emojis — isang remark na umalingawngaw sa damdamin ng marami na pumuri sa komedyante sa paggamit ng kanyang plataporma laban sa korupsiyon.
Pinangungunahan daw ng iba…
BEA, UMAMING ‘DI PA INAALOK NG KASAL NI VINCENT
NILINAW ni Bea Alonzo sa isang panayam ang kumakalat na sitsit hinggil sa engagement umano nila ng boyfriend na si Vincent Co.
Aniya, “Sa tingin ko, ang pinakamagandang bagay ay ang mga pinananatiling pribado.”
Itinuwid niya ang haka-hakang engaged na sila ni Co.
Aniya, “Alam mo, nauunahan pa ng lahat ng mga tao ‘yung mga pangyayari sa buhay ko. I want to keep things private, and there is nothing to say, actually. Very happy, yes.”
Dagdag pa niya, kung sakaling pipiliin na niyang magkaroon ng sariling pamilya, sigurado raw na malalaman ng buong industriya.
Hindi naman itinatago ni Bea ang relasyon nila ni Co. Katunayan, isinasama na niya ang boyfriend sa iba’t ibang gatherings na pinupuntahan. Ang sa kanya lang ay huwag siyang pangunahan ng desisyon sa kanyang love life.








Comments