Para kay Marcos, palpak ang jeepney modernization ni Duterte
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | March 5, 2023
PROGRAMANG JEEPNEY MODERNIZATION NI EX-P-DUTERTE, PALPAK!—Sinabi ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na hindi maganda ang implementasyon ng jeepney modernization sa bansa, kaya tutol dito ang karamihan sa mga tsuper, operator ng traditional jeepney at UV express.
Ang jeepney modernization ay nagsimula sa panahon ng Duterte administration, at kung susuriin ang sinabing ito ni P-BBM, parang sinabi na rin niyang palpak ang PUV modernization program ni ex-P-Duterte. Boom!
◘◘◘
KUNG AYAW MA-TORTURE AT MAPAHAMAK, ‘WAG SUMAPI SA FRATERNITY—Mainit na isyu na naman ang hazing sa fraternity dahil may namatay na naman sa katauhan ng biktimang si John Matthew Salilig na estudyante ng Adamson University.
Sa totoo lang, pinaganda lang naman ang salitang hazing, pero ang totoong kahulugan niyan ay torture.
Kaya panawagan natin sa mga kabataang estudyante, kung ayaw makaranas ng torture, mapahamak o mamatay, huwag nang sumapi sa anumang fraternity, ituon na lang ang sarili sa pag-aaral, period!
◘◘◘
ANG GUSTONG MAG-ROTC AY TANGGAPIN, ANG AYAW MAG-ROTC AY ‘WAG PILITIN—Hindi lang sa fraternity may nagaganap na hazing o torture kundi pati sa Reserve Officers' Training Corps (ROTC).
Kaya tama ang panawagan nina Sen. Koko Pimentel at Sen. Risa Hontiveros sa mga kapwa nila mambabatas na huwag nang gawin pang mandatory ang ROTC sa lahat ng paaralan.
‘Yung mga gustong mag-ROTC, sila ang tanggapin para mag-training at ‘yung ayaw ay huwag pilitin dahil buhay ng mga kabataang estudyante ang nakataya rito at hindi buhay ng mga senador at kongresista na pabida sa pagsusulong ng mandatory ROTC.
Boom!
◘◘◘
MAG-AMANG DUTERTE, ‘DI NAG-ROTC PERO TODO-PABIDA NA DAPAT IPATUPAD ANG MANDATORY ROTC SA MGA ISKUL—Ilan sa mga personalidad na gustong magkaroon ng mandatory ROTC sa mga paaralan ay ang mag-amang ex-P-Duterte at Vice Pres., Department of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio, pero sa panahon na sila’y nag-aaral ng kolehiyo, hindi naman sila sumailalim sa ROTC.
Ibig sabihin, kaya hindi nag-ROTC ang mag-amang Duterte noong sila ay mga estudyante ay dahil alam nilang mapanganib ito at posible silang mapahamak.
Gayunman, kahit hindi nila naranasang mag-ROTC, todo-pabida sila na dapat mag-training ang lahat ng estudyante sa senior high school at kolehiyo. Pwe!





Comments