Para iwas-scam ang GSIS at SSS funds, ibasura ang Maharlika Wealth Fund
- BULGAR
- Dec 7, 2022
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 7, 2022
IBASURA ANG MAHARLIKA WEALTH FUND PARA IWAS-SCAM—Sa panahon ngayon na marami ang nabibiktima sa investment scam, hindi dapat ipagpilitan ng magkakamag-anak na sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos at Speaker Martin Romualdez ang isinusulong nilang Maharlika Wealth Investment Fund (MWIF), lalo na't mula sa pondo ng Government Service Insurance Service (GSIS) at Social Security System (SSS) ang kabilang sa mga pondong ilalagay.
Para iwas-scam, mainam kung ibasura ng mga mambabatas ang investment.
◘◘◘
DAPAT ISALPAK SA KUKOTE NG GSIS AT SSS PRESIDENT NA HINDI NILA PERA ANG PONDO NG GSIS AT SSS—Aprub kina GSIS President Arnulfo Veloso at SSS President Michael Regino, na ipagamit ang pondo ng GSIS at SSS sa Maharlika Wealth Investment Fund.
Hay naku, kung makapagsalita sina Veloso at Regino akala naman ay pera nila ang ilalagay sa Maharlika Wealth Investment Fund, eh, hindi naman dahil pera 'yan ng kanilang mga miyembro!
◘◘◘
TIYAK NAGLULUNDAG SA TUWA SI SARA NANG IBALIK ANG CONFIDENTIAL FUND—Inanunsyo ni Sen. Risa Hontiveros noong Nov. 24, 2022 na pinakaltasan niya ng P120 milyon ang P150 milyong confidential fund na hinihingi ni Vice-Pres., DepEd Sec. Sara Duterte Carpio para sa kanyang tanggapan sa DepEd, na ayon sa senadora, ang P120-M ay ipina-realign niya na mapunta sa healthy learning program para sa kapakanan ng mga bata.
Pero ang P120M healthy learning program para sa mga bata ay tinanggal nina Sen. Sonny Angara at Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co at muling inilagay sa P150-M confidential fund ni Sara.
Hindi man aminin, tiyak na naglulundag sa tuwa ang VP, DepEd sec.
◘◘◘
NAKAKAINSULTO ANG SINABI NI DTI USEC. RUTH CASTELO NA KASYA ANG P1K PANG-NOCHE BUENA—Noong October 2022 ay sumirit sa 7.7 ang inflation rate sa Pilipinas at noong November 2022 ay mas sumirit pa ito sa 8.0% na ibig sabihin ay mas tumaas pa ngayon ang presyo ng mga bilihin at bayarin.
Tapos, sa kabila na sobrang taas na ang presyo ng mga bilihin ay tila pang-iinsulto pa sa masa ang sinabi ni DTI Usec. Ruth Castelo na puwede namang pagkasyahin ang P1,000 pambili ng handa sa Noche Buena ng pamilya.





Comments