Para iwas-gulo, protocols at guidelines para sa COVID vaccine, ilabas na!
@Editorial | December 06, 2020
Habang papalapit na tayo sa pagkakaroon ng bakuna laban sa COVID-19, mas mainam na tapusin at ilabas na ang mga protocols at guidelines.
Kailangang mailatag na nang maayos ng mga awtoridad ang kinakailangang post-vaccination protocols at guidelines.
Dapat ready na ang malinaw at detalyadong database, partikular sa kung sino ang makatatanggap ng bakuna. Huwag tayong masanay na kung kailan nariyan na ay saka gagawa ng plano hanggang mauwi na sa gulo.
Kailangang maayos mula sa pamimigay hanggang sa kung ano na ang dapat gawin ng mga nabakunahan.
Ngayon palang ay may mga isyu na may iilan daw na mauunang maturukan — silang mga mayayaman at nasa posisyon. ‘Pag ganito ang usapan tiyak na labu-labo at baka sa halip na masolb ang problema sa virus, eh, lumala pa.
Alalahanin nating may mga kababayan tayo na higit na nangangailangan ng bakuna.
Ang COVID-19 vaccine ay simbolo ng pag-asa at muling pagbangon ng marami sa ating mga kababayan lalo na silang patuloy na lumalaban sa virus, sana ‘wag natin silang biguin.
Muli, panawagan natin sa mga mamamahala sa bakuna, lagi po nating unahin ang pagmamalasakit at konsensiya alang-alang pa rin sa kabutihan ng lahat.



Comments