Panukalang batas para sa kompensasyon sa mga SK kagawad, lusot na sa ikalawang pagdinig
- BULGAR

- Jan 26, 2022
- 2 min read
ni Jeff Tumbado | January 22, 2022

Aprubado na sa ikalawang pagdinig sa kamara de representantes ang panukalang batas na siyang magbibigay ng “honoraria” at allowances gayundin ang awtomatikong pagkakaroon ng certificate of civil service eligibility sa bawat kagawad ng Sangguniang Kabataan (SK) sa buong bansa.
Sa pamamagitan ng “voice voting”, inaprubahan ng mababang kapulungan ng kongreso nitong araw ng Martes sa kanilang regular session ang House Bill No. 10698 na siyang gagawing batas sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 10742 o ang “Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015.”
Ayon kay House Ways and Means Chairman Committee Albay Representative Joey Salceda, na siya rin ang principal author, ang nabanggit na panukala ang siyang magbibigay ng karapatan sa bawat SK officials na makatanggap ng “honoraria, allowances at iba pang kompensasyon na naaayon sa batas.
Dagdag pa ni Salceda na ang reporma ay makakatulong din sa pagpapalawak pa ng kanilang kakayahan at karanasan sa pamamagitan ng training, youth empowerment, environmental protection, values education at iba pang programa na makaaapekto sa mga kabataan.
Sa kasalukuyan kasi, ang SK Chairman lamang ang “entitled” sa mga nabanggit na benepisyo.
“If we want to professionalize the SK, we also have to ensure that its efforts are compensated. The SK were very crucial to the fight against COVID-19, as they were among the barangay frontliners that could be mobilized for ayuda distribution and module distribution,” pahayag ni Salceda.
“I believe that the SK is still underutilized. We are giving them more benefits, but in return, we are also giving them more meaningful work,” paliwanag pa ng mambabatas.
Sa kabilang dako umano ay sinabi ni Salceda na inaprubahan na rin sa Senado ang nasabing panukala at tuluyang maaprubahan sa ikatlo at huling pagdinig sa susunod na linggo.
“There is strong minority and majority support for the measure, so I expect very smooth sailing for this proposal,” saad ni Salceda.
“Hopefully, we can do bicam during the session break and ratify during the final six session days before the term expires after elections. Better yet, we can do bicam next week and even ratify by Wednesday next week, if the Senate and House leaders are willing,” dagdag pa nito.








Comments