top of page

Panloloko ng mga korup, ‘di na kinaya… “PINAIKUT-IKOT LANG TAYO, TAMA NA!” — SARAH

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 21
  • 3 min read

ni Ambet Nabus @Let's See | September 21, 2025



Saha Gernonimo - Circulated - SS

Photo: Sarah Gernonimo - Circulated - SS



Kakaibang tapang ang ipinakita ni Sarah Geronimo sa opening ng Season 88 ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) na University of Santo Tomas (UST) ang host.


Sa UST grounds ginanap ang event at mereseng umuulan, hindi nagpatinag ang mga university members, students and participating teams ng kilalang athletic association.


Isa si Sarah sa mga invited performers bilang galing din pala ito sa UST high school, habang sina Kean Cipriano, Rob Deniel, Earl Agustin at bandang Lola Amour at ilan pang performers ay mga alumni ng UST.


Sa temang “Strength in Motion, Hope in Action”, hindi nagpatinag si Sarah sa pagbibigay ng kanyang saloobin hinggil sa mga nangyayaring iskandalo at kaguluhan sa gobyerno, simula nang pumutok ang flood control projects scandal.


“Parang panloloko sa bansa natin, pinaikut-ikot lang tayo, TAMA na,” ang bahagi ng matapang na pahayag ng Pop Princess sabay engganyo sa mga estudyante, “One day, kayo ang magbabago ng bulok na sistema ng bansang ito.”


‘Yun ang kauna-unahang beses na hayagang nagsalita si Sarah bago ang kanyang performance sa harap ng maraming tao.


“Let’s just hope na may mga gaya pa n’yang mga influencers at idolo na haharap sa tao at magsasalita ng kanilang saloobin laban sa mga korupsiyon sa gobyerno,” reaksiyon naman ng mga netizens.



MAY ilang netizens ang agad namang kumontra sa tapang ni Sarah lalo’t sa isang bahagi nga raw ng panawagan nito ay binanggit nito na hindi na dapat lumabas ng bansa ang isang Pinoy dahil nandito na sa atin ang lahat, kasama na ang mga bonggang schools. 


At bilang nasa UAAP siya na 100% students ang crowd, may mga rumesbak tuloy.

May nagkonek ng naging statement niya sa kapatid niya na kanyang ginastusan at pinag-aral abroad at balitang sa abroad na rin umano nagwo-work? 


“Kung nagpapakamakabayan siya at naniniwalang nandito na ang lahat pati ang best education, bakit?” ang pang-iintriga ng mga kontra sa sinabi ni Sarah.


Pati ang diumano’y pagtanggap niya ng mga shows o performances gaya ng mga inoorganisa ng partylist na Ako Bicol kung saan nasa gitna ng iskandalo ang congressman nitong si Zaldy Co ay ibinato pa kay Sarah.


“Sana rin ay mas maging discerning o mapili siya o ang management n’ya dahil sa ganitong pagkakataon ay puwede ngang ibalik sa kanya ang isyu lalo pa’t hindi naman barya-barya ang talent fee (TF) n’ya,” hirit pa ng ilan.


Personally, kami naman ay mas nais makinig at namnamin ang laman ng message ni Sarah kesa sa usaping nagtatrabaho siya na may mataas na TF.


Mayroon at mayroon talagang masasabi kahit na malinis at maayos naman ang intensiyon mo.



NGAYONG araw, Linggo, ay inaasahan ngang dadagsa sa dalawang venue ang mga nagnanais na makiisa sa mga panawagang pagkalampag sa gobyerno at mga lider ng bansa.


May magaganap na rally sa Luneta at mayroon din sa People Power monument sa EDSA.


Pero ang tila nakakalungkot namang balita sa mga panawagang ito ay ang pagsakay sa ‘lagnat (read: galit at disgusto ng bayan)’ ng mga tradisyonal pa ring pulitiko at mga politically-associated people.


Hindi pa rin talaga mawawala ‘yung patronage sa mga gaya ng dilaw o pink, na alam naman nating may mga interes na nais isulong.


When we say dilaw, nandiyan ‘yung nakabalandra pa rin sa mga tarpaulin at streamers ang mga mukha ng mga Aquino na ginagawa nilang simbolo ng demokrasya kuno. Or ‘yung mga DDS ng mga Duterte o mga nagsusulong agad sa tambalang Leni Robredo-Torre sa 2028.


Hindi ba puwedeng sambayanan lang talaga ang manguna at pakinggan ng mga Marcos at kaalyado nitong nasa posisyon?


Kaya nga kahit ang mga nasa showbiz ay hati-hati sa ganitong mga panawagan dahil sa political patronage o affiliation na mga ganyan!


Paano talaga ‘yung mga tao na sawa na at totoong sumisigaw ng ‘tama na!’ at wala silang ipinaglalaban kundi ang kapakanan ng bansa?


Hindi ba puwedeng maging ‘patriotic o makabayan’ muna ang lahat bago kumampi sa mga kulay-kulay na ‘yan na sa kasaysayan nga ay paulit-ulit din namang nagpapalamon sa bulok na sistema kapag nasa posisyon na?


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page